Susan Roces may mga paramdam na bago pumanaw; Grace Poe merong ‘pagsisisi’ sa pagkawala ng ina

Susan Roces at Grace Poe

MAY mga paramdam na ang Queen of Philippine Movies na si Susan Roces sa kanyang pamilya bago siya tuluyang mamaalam nitong nagdaang Biyernes, May 20, sa edad na 80.

Tuloy pa rin ang pagdagsa ng mga tagahanga at celebrities sa lamay ng premyadong aktres sa Heritage Park, Taguig City, para magbigay ng kanilang huling pagrespeto at pagpupugay.

Ayon sa nag-iisang anak ni Susan Roces na si Sen. Grace Poe, feeling niya ay inihanda na sila ng ina sa pagpanaw nito pero bilang anak ikinagbigla pa rin niya ito.

“Kapareho ng marami, nabigla rin naman kami pero naisip ko parang hinahanda niya na rin kami nitong mga nakaraang buwan,” pahayag ng senadora sa “Kapuso Mo, Jessica Soho.”

Patuloy pa niyang kuwento, “Alam mo mula nang magpandemya, napansin ko na ‘yung nanay ko maraming mga nililigpit sa bahay, tapos panay ang bilin niya, ‘O yung ganito ha, pagka-ano ganito ang gagawin mo, ‘yung mga gamit ni Papa dito’ mga ganyan, marami siyang inuulit-ulit.

“Nagkaroon siya ng oras para mag-isip, at palagi niyang binabalik sa kanyang alaala ‘yung mga nakaraan, so palagi niyang kinukuwento ‘yung dad (Fernando Poe Jr.) ko,” pagbabahagi pa ni Sen. Grace.

Nitong mga huling buwan, hindi na raw nagkakakain ang aktres kaya naman nagpa-RT-PCR test sila kung bakit wala itong ganang kumain. Negatibo naman daw si Susan sa COVID-19 at okay din ang resulta ng kanyang blood test.


Inamin naman ng senadora na may nararamdaman din siyang pagsisisi dahil naging limitado ang oras nila together dahil sa kanyang trabaho.

“Siguro kung meron akong pagsisisi, siyempre ‘yung trabaho sa politika, medyo demanding e, palagi kang may pinupuntahan, o may ginagawa ka ganyan, so ‘yung mga naging oras ko para sa nanay ko, mas kaunti,” pahayag niya.

Kaya ang advice niya sa lahat ng mga anak, sulitin na ang oras na kasama ang pamilya lalo na ang kanilang mga magulang dahil hindi natin alam kung hanggang kailan sila mananatili sa ating piling.

“Ang masasabi ko sa ating mga manonood, para sa mga magulang niyo, sabihin niyo na sa kanila ang gusto niyong sabihin para kung sakaling mawala sila.

“Sa nanay ko, kahit kausap ko siya madalas, mayroon pa rin akong hindi masabi e. Hindi lamang ‘yung ‘Mama, I love you’ ganun, siguro ‘yung mahigpit na yakap,” mensahe pa ni Sen. Grace sa kanyang namayapang ina.

https://bandera.inquirer.net/314062/payo-ni-susan-kay-coco-hindi-importante-ang-pagingles-ang-mahalaga-ay-marunong-kang-humarap-sa-tao-na-may-dignidad
https://bandera.inquirer.net/313999/cardiopulmonary-arrest-ang-ikinamatay-ni-susan-roces-sey-ni-grace-poe-at-sa-tingin-ko-talagang-nangulila-na-siya-sa-tatay-ko

https://bandera.inquirer.net/288529/ex-matinee-idol-na-si-red-sternberg-may-pagsisisi-ba-nang-iwan-ang-showbiz

Read more...