IPINAGDARASAL at umaasa ang Kapamilya young couple na sina Loisa Andalio at Ronnie Alonte na sana’y sila na nga ang itinadhana para sa isa’t isa.
Pero mariing sinabi ng magka-loveteam sa harap at likod na camera na matagal-tagal pa bago sila magpakasal pero ito raw naman talaga ang kanilang long-term plan.
Nagpakatotoo ang tambalang “LoiNie” sa pagsagot sa ilang personal questions nang humarap sila sa mga miyembro ng entertainment media para sa presscon ng kanilang upcoming series na “Love in 40 Days.”
Ngayong darating na November, masaya nilang ibinalita na magse-celebrate na sila ng kanilang 7th anniversary as a couple.
Natanong ang magdyowa kung handa na ba nilang i-level up ang kanilang relationship, si Ronnie ang unang sumagot.
“Hindi pa siguro ngayon. Darating tayo doon. Sa ngayon, ang focus namin is i-enjoy muna ‘yung buhay namin hangga’t bata pa kami, mag-ipon para kapag dumating ‘yung panahon na kailangan na, e di tara na!
“Darating tayo diyan. Sa ngayon, i-enjoy muna namin. Medyo bata pa kami para doon. Pero huwag kayong mag-alala, iyon naman ang mindset namin, nakaplano ‘yan. Pero hindi pa ngayon,” dagdag pang pahayag ng binata tungkol sa engagement.
Hirit naman ni Loisa pagkatapos magsalita ni Ronnie, “It’s a yes (kapag nag-propose ang boyfriend)! Ha-hahaha!”
“Pero tama po ‘yung sinabi ni Ronnie. Ayaw po namin pumasok sa ganoong kataas na relationship, ‘yung engaged na, kasi ang babata pa po namin.
“Marami pa kaming gagawin din. Basta, nandito kami to support each other. Iyon na ‘yung the best,” mariing sabi ng dalaga.
Samantala, proud na proud ang Kapamilya couple sa bago nilang project sa ABS-CBN, ang “Love in 40 Days” na siyang first lead roles nila sa isang teleserye.
Napanood na namin ito sa ginanap na celebrity screening last May 20, at in fairness, swak na swak sa kanila ang mga karakter na ginagampanan nila sa kuwento.
Ibinahagi ng real life couple na naging challenging ang kanilang pagganap sa serye, na kauna-unahang teleseryeng pagbibidahan nila.
“Nakakataba ng puso pero kinakabahan pa rin. May pressure pa rin. Medyo nahirapan lang ako kasi ‘yung role ko dito, hindi talaga siya bida eh, may pagka-kontrabida rin siya,” ani Loisa.
“Naging mahirap talaga sa amin kasi sa totoong buhay, kami talaga. So ‘yung acting namin na kailangan hindi kami, na hindi maramdaman ng tao na kami talaga, mahirap. Hindi kami nagpansinan sa set para mas maganda ‘yung atake namin,” dagdag ni Ronnie.
Gagampanan ni Loisa si Jane, isang ambisyosang insurance agent na walang ibang inatupag kung ‘di kumita ng pera simula noong tumayo siyang pangawalang magulang ng kapatid niyang si Monmon (Josh de Guzman).
Sa kabila ng kanyang mga tagumpay sa trabaho, isang trahedya ang sasapit kay Jane nang mamatay siya sa isang aksidente. Magiging multo si Jane at mapupunta siya sa Evergreen Mansion — isang lugar kung saan ginagabayan ang mga multo bago sila tuluyang tumawid sa kabilang buhay.
Dito magkukrus ang landas nina Jane at Edward (Ronnie), isang mayamang bandista na mula sa pamilyang nagmamay-ari ng pinakasikat na funeral homes sa bansa. Dahil sa third eye ni Edward, nakikita at nakakausap niya si Jane na parang normal na tao at wala siyang kamalay-malay na multo pala ito.
Habang unti-unti nang tinatanggap ni Jane ang kanyang pagkamatay, si Edward ang magiging balakid sa mga plano niya.
Determinado kasi si Edward na ipasara ang Evergreen Mansion para magpatayo ng sarili niyang resto-bar at tuluyan nang kumalas sa mga istrikto niyang magulang na sina Robert at Andrea (Bart Guingona at Mylene Dizon).
Ngunit gagawin ni Jane ang lahat upang kumbinsihin si Edward na huwag ipasara ang mansyon. Dahil dito, mas magiging malapit sina Jane at Edward at tuluyan na silang mapapa-ibig sa isa’t isa. Ngunit biglang matutuklasan ni Edward na multo pala si Jane.
Mauuwi pa ba sa totoong pagmamahalan ang pagkukrus ng landas nina Jane at Edward? Malalaman pa kaya ni Jane ang dahilan ng kanyang pagkamatay?
Ang “Love in 40 Days” ay mula sa direksyon nina Manny Palo at Jojo Saguin. Kasama rin dito sina William Lorenzo, Leo Martinez, Lotlot de Leon, Zabel Lamberth, Janice de Belen, Ana Abad Santos, Ahron Villena, Maria Isabel Lopez, Renshi De Guzman, Trina Legaspi, Raven Molina, Chie Filomeno, Benedix Ramos, Vaughn Piczon, Kobie Brown at Andi Abaya.
Subaybayan ang “Love in 40 Days” simula May 28 sa iWantTFC app at website, at sa May 30 naman sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment.
https://bandera.inquirer.net/306658/payo-nina-ronnie-at-loisa-sa-mga-gustong-mag-artista-go-lang-nang-go-sundin-ang-nasa-puso-nyo
https://bandera.inquirer.net/289438/loisa-ronnie-may-plano-raw-lumipat-sa-gma-kid-yambao-payag-sa-indecent-proposal
https://bandera.inquirer.net/304664/promise-ni-ronnie-wala-na-akong-ibang-hahanapin-pa-at-wala-akong-balak-pakawalan-si-loisa