NOONG Biyernes, pormal na inilunsad nina Manila Mayor Joseph Estrada at Vice Mayor Isko Moreno ang proyekto na nagkakaloob ng libreng wifi sa ilang itinakdang bus stop sa lungsod.
Bagamat sinabi ni Erap na wala namang gastos ang lokal na pamahalaan dito, marami pa rin ang nagtaas ng kilay.
Bakit? Bukod sa hindi matutumbasan ng proyekto ang sakripisyo ng mga sumasakay para lamang makarating at makauwi sa kani-kanilang bahay simula nang ipatupad ng lokal na pamahalaan ang pagbabawal sa mga bus na magbaba at magsakay kung saan-saan, napakalaking problema pa rin ang petty crimes sa lungsod.
Inaasahan na ang pagtaas ng mga insidente ng snatching ng cellphone at maging mga holdapan sa ginawang proyekto ng Maynila. Hindi ba alam ng ating mga opisyal sa Maynila kung gaano kadelikado ang maglabas ng cellphone sa lansangan?
Siguradong tatargetin ng mga masasamang loob ang mga mananakay na maglabas ng cellphone para makagamit ng sinasabing libreng wifi ng lokal na pamahalaan.
Ang sabi ng lokal na pamahalaan nilagyan naman ng mga CCTV ang mga waiting shed na may wifi.
Aber, gaano ba karaming mga kaso ng pagnanakaw ang nasolusyunan sa kabila ng pagkakaroon ng CCTV? Maibabalik ba nito ang mga mawawala sa mga mabibiktima?
May problema ang Maynila, dapat yang aminin ng ating mga lokal na opisyal. Bukod sa problema sa peace and order, lugmok ang lungsod sa sari-saring problema na dapat unahin ng mga halal na nanunungkulan.
Hindi matatakpan ng mga ganitong proyekto ang totoong problema sa lungsod. Bandang huli, magiging tulugan pa ng mga palaboy sa kalsada ang ginawang mga waiting shed ng lokal na pamahalaan.
Abangan natin ang susunod na kabanata.
Sa ika-14 na araw ng krisis sa Zamboanga City, lahat tayo ay naiinip na at nagtatanong kung kailan ba ito matatapos?
Sa pinsala pa lamang na idinulot ng labanan sa mga mamamayan ng Zamboanga, talagang nakakapanlumo na, bukod pa sa mga buhay na naibuwis dito. Oo nga’t sinasabi ng pamahalaan na malapit na itong matapos, noong Biyernes lamang isang insidente ng pagsabog ng bus ang nangyari na naman sa lungsod, at tatlong buhay ang kaagad ay nalagas.
Habang tumatagal ang krisis sa Zamboanga, lalong lumalaki ang posibilidad na kumalat pa ang problema hindi lamang rito kundi sa iba pang mga lugar sa bansa.
Bukod pa rito, hindi maitatanggi ng pamahalaan na dahil sa pangyayari, nabubuhos nang husto ang atensyon ni Pangulong Aquino sa problema matapos ang kanyang pagpunta sa Zamboanga noon pang isang Biyernes.
Tiniyak na ng Malacañang na hindi apektado ang pamamahala ni PNoy kahit pa manatili siya nang matagal sa Zamboanga.
Pero, hindi rin maitatanggi ng gobyerno na naisasantabi na ni PNoy ang iba pang mga dapat gawin kung mananatili at mananatili na lamang siya sa lugar. Lahat ay nananalangin na matapos na ang kaguluhan at manumbalik ang normal na buhay sa Zamboanga, at sa buong bansa na rin.
Habang tumatagal ang imbestigasyon sa pork barrel scam, nakikita natin kung gaano kalawak ang paglustay sa limitadong pondo ng gobyerno.
Nakasuhan na ang ilang senador at kongresista, pero inaabangan pa rin ng mamamayan ang pagsasampa ng kaso sa iba pang nakinabang sa PDAF, kabilang na ang mga kaalyado ng kasalukuyang administrasyon.
Sa nangyaring kalakaran sa pork barrel, hustisya ang panawagan ng bayan, ang mapanagot lahat ng mga nanamantala, kaalyado o hindi ng administrasyong Aquino. Sa bagal ng pag-usad ng justice system sa bansa, ang tanging magagawa ng publiko ay manatiling magbantay nang masigurong mapanagot ang lahat ng maysala.
Para sa komento, reaksyon o tanong, i-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.