NGAYONG umaga, May 22, nagsimula ang public viewing para sa labi ng yumaong Queen of Philippine Movies na si Susan Roces.
Mula kaninang 10 a.m. pwede nang masilip ng mga tagasuporta ng award-winning veteran actress ang kanyang labi sa The Chapels ng The Heritage Park sa Taguig City.
Ngunit kagabi pa nagsimula ang lamay para sa pumanaw na nanay ni Sen. Grace Poe na binawian ng buhay nitong nagdaang Biyernes, May 20, kung saan nakiramay na ang malalapit nilang kaanak at mga kaibigan.
Nasa pandemya pa rin ang bansa kaya mahigpit pa ring ipinatutupad ang mga health at safety protocols sa The Heritage Park.
Bukod sa mga nakatrabaho ni Susan Roces sa pitong dekada niyang pamamalagi sa mundo ng showbiz, isa pa sa mga haligi ng industriya ang nagbigay-pugay sa aktres ay si former President Joseph Estrada.
Siguradong matinding kalungkutan din ang nararamdaman ngayon ni Erap sa pagkamatay ng kanyang kumare at asawa ng kanyang pinakamatalik na kaibigan, ang King of Philippine Movies na si Fernando Poe, Jr..
“Ako po ay nalulungkot sa pagpanaw ng aking kumare, Susan Roces.
“Bagamat alam ko masaya ka na sa piling ni Ronnie, ang iyong pamilya at mga kaibigan ay nagdadalamhati sa iyong paglisan.
“Ako rin ay nakikiramay sa pamilyang naiwan lalo na sa aking inaanak, Senator Grace Poe,” mensahe ni Erap.
Para naman sa lahat ng mga hindi makakapunta sa burol ng movie queen, maaaring mapanood Facebook live ni Sen. Grace Poe ang mga kaganapan sa The Heritage Park.
Ang ilan pa sa nagbigay ng kanilang mensahe ng pakikiramay sa pagpanaw ni Susan Roces ay ang mga kapwa niya movie icon na sina Vilma Santos, Maricel Soriano, Lorna Tolentino at Ai Ai delas Alas.
“Rest in peace Ate Susan. Maraming Salamat. We will miss you. We love you,” ani Ate Vi.
Matatandaang kasama sina Vilma at Susan sa itinanghal na Outstanding Filipinos at living legends sa Philippine showbiz na binigyang parangal ng Philippine Postal Corporation noong February, 2022 sa pamamagitan ng paglalagay ng kanilang mga mukha sa commemorative stamps.
“Mama Susan, mahal na mahal kita,” ang mensahe naman ni Maricel sa pumanaw na aktres na ilang beses niyang nakasama sa mga pelikula niya noon kabilang na ang mga blockbuster films ng Regal Films na “Anak ni Waray vs Anak ni Biday” (1984) at “Inday, Inday sa Balitaw” (1986).
Ito naman ang message ni Lorna, “I will hold you in my heart. We will miss you. Maraming salamat sa pagmamahal Tita Susan. Our love and prayers.”
Taong 1970 nang unang makatrabaho ni Lorna (child actress pa lang siya) si Susan sa pelikulang “Divina Gracia”. Nagkasama rin sila sa ABS-CBN primetime series na “FPJ’s Ang Probinsyano” ni Coco Martin.
Samantala, hindi naman nabigyan ng chance ang Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas na makatrabaho si Susan pero hinding-hindi niya malilimutan ang lahat ng kabutihan nito sa kanya sa tuwing magkikita nang personal sa mga showbiz gatherings.
https://bandera.inquirer.net/313858/susan-roces-pumanaw-na-buong-showbiz-industry-nagluluksa
https://bandera.inquirer.net/313872/judy-ann-santos-john-prats-bela-padilla-bong-revilla-nagluluksa-sa-pagkawala-ni-susan-roces
https://bandera.inquirer.net/313858/susan-roces-pumanaw-na-buong-showbiz-industry-nagluluksa