ORCULLO-CORTEZA pasok sa Q’FINALS

HALOS walang kahirap-hirap na tinalo nina Dennis Orcullo at Lee Vann Corteza ng Pilipinas ang katunggali mula Singapore Byiernes ng gabi para makarating sa quarterfinal round ng World Cup of Pool 2013 na ginaganap sa London, United Kingdom.

Sina Orcullo at Corteza, na kapwa galing sa Mindanao, ay nanaig kina Chan Keng Kwan at Aloysius Yapp ng Singapore, 7-3.
Makakasagupa ng Pilipinas sa quarterfinal round ang delikadong Hungary na nirerepresenta rito nina Balazs Mikos at Gabor Solymosi.

Sa round-of-16 ay tinambakan ng Hungary ang Russian tandem nina Konstantin Stepanov at Ruslan Chinakhov, 7-4.
Nanalo rin sina Chang Jung-Lin at Ko Pin-Yi ng  Chinese-Taipei kontra kina Alexander Kazakis at Nick Ekonomopoulus ng Greece, 7-1.

Makakasagupa ng Chinese-Taipei ang Team A ng host England sa quarterfinals ngayon. Nasa quarterfinal round na rin ang Japan matapos gulatin ang USA, 7-6. Umusad din ang Holland matapos patalsikin ang India, 7-5.

Nakalaan sa torneo ang kabuuang premyong $250,000 kabilang ang $60,000 para sa mananalong pares.

( Photo credit to www.matchroompool.com )

Read more...