Alden umaming ‘pera-pera’ lang ang dahilan kung bakit gustong mag-artista noon; iyak nang iyak nang matalo sa StarStruck

Alden Richards

DIRETSAHANG inamin ng Asia’s Multimedia Star na si Alden Richards na pera-pera lang ang konsepto niya noon ng pagpasok sa showbiz at pag-aartista.

Ayon sa Kapuso Drama Prince, hindi rin niya in-expect na mararating niya ang estadong kinalalagyan niya ngayon sa entertainment industry makalipas ang mahigit isang dekada.

Nabanggit ng Pambansang Bae sa panayam ng “Updated With Nelson Canlas” na ang financial problem ng kanilang pamilya noon ang nagtulak sa kanya para mag-audition sa Kapuso reality talent show na “StarStruck.”

“We were in dire need of financial aid na feeling ko pag-aartista ‘yung makakasagot noon.

“Need na siya e, wala pa ‘yung passion doon na gusto kong mag-artista kasi gusto kong maging aktor, gusto kong maka-inspire ng maraming tao. Wala pa siya sa picture, wala pa ‘yung konsepto nu’n, noong time na ‘yun it’s just about the money,” ang pagpapakatotoo ni Alden.


Patuloy pang pahayag ng binata, “When my mom passed away, my dad had to quit his job of 10 years to get the severance pay to pay for the funeral and sa kung anu ano pang mga gastos that time.

“Tapos sa cremation, tapos naalala ko pa noon ‘yung ibang sobra noon pinambili namin ng mga bagong appliances kasi ‘yung appliances namin noon kawawa naman kami.

“So, ilang months walang work ‘yung dad ko and mahirap ang buhay talaga na nakaasa kami sa tulong ng mga…sa mga kapatid ni Dad abroad,” sabi pa niya.

Kuwento pa ng Kapuso star, napakalaki rin ng naitulong sa kanila ng kanyang lola na siyang nag-alaga sa kanila. Hanggang sa makahanap din ang tatay niya ng trabaho pero hindi pa rin sapat ang kinikita nito sa pangangailangan ng pamilya.

“Sabi ko sa sarili ko sino, sinong kikilos sa aming magkapatid, sa aming tatlo e ‘yung kapatid kong panganay nagtatapos ng pag-aaral.

“I was also going to school…pero that time kasi nu’ng time na ‘yun ang pinangpapaaral ko is ‘yung mga talent fees na nakukuha ko sa mga gigs and commercials ganyan, sa modeling.

“So, ‘yun ‘yung ipinangbabayad ko ng tuition fee ko. Hindi rin ako pwedeng umasa doon kasi inconsistent din ‘yun e,” sabi pa ni Alden.

Nang magkaroon ng chance, nag-audition nga siya sa “StarStruck” noong 2009 at talagang umasa na makakapasok siya bilang finalists, “Kasi when you’re in that situation, siyempre ang gusto mo talaga pasok ka.

“Ayaw mo siyempre na…when you’re exerting effort into something you expect something in return, a reward in a way,” sabi pa ng binata.

Inamin din niya na talagang naapektuhan siya nang maaga siyang natanggal sa laban, “Ang sakit-sakit ng bow na ‘yun. Kitang-kita ko sa mukha ko disappointed so, sobrang nasaktan ako nu’ng time na ‘yun kasi sometimes hindi pa tama ‘yung oras.

“Ako naniniwala ako sa tamang timing at sa pasensya, pero that time hindi pa masyadong malinaw sa akin ‘yung konsepto ng parang try, you fail and then try again the next time, hindi siya malinaw sa akin.

“Kasi ang point of view ko lang noon, ang perspective ko noon was sa lahat ng mga bagay na pinaghihirapan ko I want to be successful in that.

“Pero unfortunately I was so young and parang masyadong oblivious with the facts na hindi ganoon kadali lahat,” sabi pa ng award-winning actor.

Talagang nawalan na raw siya noon ng pag-asa, “Ayoko na, ayoko na noon. Hindi tayo nakuha so, sa dami ng sacrifices na ginawa ko for me to be able to penetrate the industry, parang do’n sa moment ng StarStruck parang ayaw ko na. Ayoko na siyang ituloy.

“Parang that time sinasabi ng mga taong kasama ko, okay lang ‘yan, kaya mo ‘yan bawi na lang tayo. Pero sabi ko okay lang ba iiyak ko lang ‘tong moment na ‘to, kasi hindi ko kaya kasi sobrang bigat na for me.

“Sabi ko, gusto kong i-acknowledge itong moment na to as a moment of defeat, a moment of rejection, failure, a moment of parang ‘yun ‘yung time na talunan ako. So I had to acknowledge that at gusto ko lang maging malungkot that time. So iyak ako nang iyak,” aniya pa.

Pagkatapos nito, nagbalik sa pag-aaral si Alden hanggang sa nalaman niya na may pa-audition daw para sa isang teleserye, “Nagwe-weigh ako that time, sabi ko ano papasok ba ako o pupuntahan ko itong isang uncertain na bagay na inayawan ko na?

“Lord, help me that time parang saan ba ako pupunta dito, sa mas sure o sa uncertain pero kapag napasok mo naman e todo ka naman.

“I’ve decided sige, iwan ko ang school punta ako audition. So noong pumunta ako ng audition ‘yun na ‘yung audition ko for my very first soap sa GMA which was ‘Alakdana,'” pagbabalik-tanaw pa ni Alden.

https://bandera.inquirer.net/296018/alex-aminadong-nasasaktan-pa-rin-sa-nangyari-naniniwalang-may-plano-ang-diyos-sa-kanilang-mag-asawa
https://bandera.inquirer.net/283099/sunshine-iyak-nang-iyak-sa-presscon-game-pa-ring-magtrabaho-kahit-tinamaan-ng-covid

https://bandera.inquirer.net/290351/bakit-iyak-nang-iyak-si-carla-abellana-sa-lock-in-taping-ng-bagong-serye-ng-gma

 

Read more...