SA pagkakatanda ng veteran comedian at dating TV host na si John Lapus, tatlong beses na raw siyang nalalaos bilang artista.
Ang paniniwala ni Sweet, may taning talaga ang career sa showbiz ng mga beking artista kaya naman talagang maluwag na tinatanggap niya sa kanyang puso’t isipan na walang “forever” para sa kanya sa larangan ng pag-arte.
“Tinanggap ko naman yung katotohanan na isa na akong laos na artista. Yung mga kaibigan ko sinasabi, ‘Wag mong sinasabi ’yun.’ No. Kailangan kong aminin ’yun because dahil doon, doon ko na-embrace itong bagong career ko as a director.
“Tatlong beses na yata akong nalaos. Ang unang laos ko, from ABS kinuha ako ng GMA. ’Yung mga kaibigan ko sinasabi, ‘Magdirek ka na. Ang baklang artista may time limit.’ Aba, jackpot, kinuha ako ng GMA noong 2006.
“Tapos, pangalawang laos ko nu’ng bumalik na naman ako (sa ABS). Then ito na nga ang ikatlo, tapos sabi nila sa akin, ‘Magdirek ka na.’ Ginaganu’n ako ng mga kaibigan ko,” sabi pa ni Sweet.
“Tinanggap ko na ang katotohanan. Ang daming bagong baklang artista, mga baklang artista, hindi ko kilala. Sikat pala sila sa social media.
“May ganu’n pala. ‘Ay, two million ang followers. Sino ba ito? Hindi ko kilala.’ ’Yung ganu’ng level. ‘Ah, okey. Laos na rin talaga ako. Ito na sila. Sila na ’yong bago,” diin pa ng komedyante.
Kaya naman abot-langit ang pasasalamat niya na kasabay ng pagkalaos niya ay nagkaroon agad siya ng bonggang fallback — at iyan ay ang pagdidirek.
At isa nga sa mga itinuturing na biggest blessing ni Sweet ngayong 2022 ay ang maidirek ang Kapuso couple na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera.
Si John ang masuwerteng napili ng mga bossing ng GMA at ng APT Entertainment na magdirek sa first ever sitcom nina Dingdong at Marian na “Jose and Maria’s Bonggang Villa” na mapapanood na ngayong gabi.
Bukod dito, rumaraket din siya bilang writer sa isa pang comedy show ng GMA, ang “Daddy’s Gurl” nina Vic Sotto at Maine Mendoza. Sey ni Sweet, hindi na raw siya masyadong kilala ng mga manonood kaya kailangan na niyang maghanap ng ibang trabaho.
“I am so thankful na nu’ng nagsimula akong maging direktor at doon na ako naka-focus, napakasuwerte ko sa mga producer ko.
“Mga mababait na tao at kilala sa industriya na mababait na tao, madaling kausap, naniniwala sa aking creativity.
“Malaking bagay ‘yun lalo na sa direktor na bagong pasok sa trabaho ng pagdidirek. Mga tatlong taon pa lang akong direktor. At nu’ng in-embrace ko siya, ’yung energy tuloy-tuloy na, ’yung mga project tuloy-tuloy na dumating,” chika ng komedyante sa naganap na presscon ng “Jose and Maria’s Bonggang Villa”.
Kung siya raw ang tatanungin, game na game pa rin siyang tumanggap ng acting projects dahil mas malaki raw talaga ang talent fee, pero mukhang tapos na raw ang acting career niya dahil nga sa dami ng mga batang beking artista ngayon.
“Buti na lang nabiyayaan ako ng ibang talent na kaya kong gawin. Kaya nag-aaral ako talaga. Itong pagdidirek, nag-aral ako talaga.
“Saka may time limit naman talaga ang mga baklang artista. Ang mga bida ngayon, hindi ko na kasing-edad. Hindi na ako ang sidekick nila siyempre.
“’Yung mga bidang naging sidekick ako nu’ng araw, nag-retire na rin hindi na gumagawa ng pelikula,” aniya pa.
Samantala, pinatunayan naman nina Dingdong at Marian na hindi sila nagkamali sa pagkuha kay Sweet para magdirek ng kanilang sitcom na magsisimula na nga ngayong Sabado, May 14.
“Si direk Sweet kasi ay isang artist. At ang isang artist, parating nag-i-evolve and I think natural provision talaga ng isang artist na magkaroon ng maraming destinasyon.
“Kunwari, magsimula ka sa teatro, telebisyon, movie at pagdidirek. Who knows after direction, ibang larangan naman ng art. So, we’re very proud and happy to be under his care,” papuri ni Dingdong sa kanilang direktor.
https://bandera.inquirer.net/292672/john-lapus-dasal-ko-kay-lord-kapag-namatay-ako-one-time-big-time-na-lang
https://bandera.inquirer.net/309666/john-lapus-naka-relate-sa-how-to-move-on-in-30-days-one-new-boyfriend-after
https://bandera.inquirer.net/289906/andrea-ilang-beses-nang-nagbalak-mag-quit-sa-showbiz-ang-hirap-hirap-lalo-na-kung-breadwinner-ka