Utos ni WILLIE sa staff ng Wowowillie: Walang iiyak!


Mahigit na isang linggo nang hindi lumalabas sa kanyang noontime show si Willie Revillame. Maraming nagsasabing ngayon pa lang ay parang sinasanay na niya ang kanyang sarili sa nalalapit na pamamaalam ng Wowowillie sa October 12, meron namang mga nagkokomento na sinasabik lang daw niya ang kanyang mga tagasuporta, iba-ibang kuwento ang naglalabasan tungkol du’n.

Pero ayon kay Willie nang makausap namin ay ginagamit lang niya ang mga naiiwanan pa niyang leave with pay, sayang daw naman kasi kung hindi niya ‘yun pakikinabangan, kaya hindi muna siya nagre-report sa kanyang show.

“Wala akong planong hindi na sumipot sa show, mas kailangan kong makasama ngayon ang mga loyal fans namin, ngayon pa ba naman mangyayari ang ganu’n, e, konting panahon na lang at magkakahiwa-hiwalay na kami?

“Mas kailangan ko silang makasama ngayon, mas gusto ko silang pasayahin, dito man lang sa paraang ito, e, makaganti-ganti ako sa mga taong hindi nila ako iniwan,” simulang pahayag ni Willie.

Aminado si Willie na magiging masakit para sa kanya ang pamamaalam, siyam na taon niya kasing ginagawa ang pagso-show nang araw-araw, pero meron pala silang pinag-usapan ng kanyang staff, dancers at crew.

Sinasabi niya palagi sa mga ito na masaya silang magpapaalam, walang iiyak, kahit pa sa puntong naghahabilin pa lang siya sa kanyang produksiyon ay naluluha na ang lahat.

“Gusto ko talagang magpaalam kami nang masaya. Hindi nga siguro maiiwasan ang pag-iyak, lalo na sa mga dancers, pero as much as possible, wala naman sanang mangyaring iyakan.

“Mas magandang magpaalam kami nang masaya, ‘yung parang walang pagbabago, ‘yung parang ang iisipin lang nila, e, magpapahinga lang kami sandali at babalik din agad,” positibong pananaw ng host ng Wowowillie. Oo nga naman.

( Photo credit to Google )

Read more...