Willie hindi ‘pera-pera’ ang pagpunta sa UniTeam miting de avance; may panawagan sa mga ineendorsong kandidato

Willie Revillame

WALANG involved na pera o talent fee ang pagpunta at pagsuporta ni Willie Revillame sa naganap na miting de avance ng UniTeam sa pangunguna nina presidential candidate Ferdinand “Bongbong’ Marcos, Jr. at vice presidential aspirant Sara Duterte.

Ito ang ipinagdiinan ng TV host at komedyante nang sumampa siya sa campaign rally ng UniTeam na ginanap kagabi sa tabi mismo ng Solaire Resort & Casino Manila sa Parañaque City.

In fairness, talagang dumagundong ang hiyawan at palakapakan ng mga supporters ng partido nina BBM at Sara nang umakyat na si Willie sa stage na siyang tinutukoy na surprise guest ng mga host ng rally na sina Ai Ai delas Alas at Bayani Agbayani.

Hinandugan ni Willie ng kanyang mga hit songs ang audience at pagkatapos nito ay nabanggit nga niya sa mga nasa miting de avance na hindi pera-pera ang pagpunta niya roon.

“Nandito ako para sa inyo. Ako, walang halagang presyo ito. Pinag-isipan ko itong mabuti. Ayokong ma-involve sa pulitika,” simulang pahayag ni Willie.

Dito, inalala nga niya ang naging pag-uusap nila noon ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa pagtakbo sana niya bilang senador.

“Kinausap ako ng mahal na Pangulo, tumakbo kang senador. Madaling-araw tinatawagan ako, kinakausap ako, ‘Tumakbo ka. Tulungan mo ang mga mahihirap dahil tumutulong ka,'” chika ng TV host.

At makalipas nga ang ilang araw na pag-iisip, nagdesisyon siyang huwag nang ituloy ang pagtakbong senador ngayong 2022 elections dahil feeling niya, hindi pa ito ang tamang panahon para pasukin niya ang mundo ng politika.

“Nandito ako para lang i-share sa inyo, hindi ako puwedeng maging senador. Hindi ko kayang maging senador. Kung ano lang ang kakayanan ko, yun lang ang gagawin ko.

“Mahirap lokohin ang sarili ko at sayang ang boto niyo para sa akin. Kaya kong magsilbi na wala akong posisyon. Kaya kong tumulong mula sa sarili kong pinaghihirapan. Iyan ang kaligayahan ko, ang makita kayo na masaya,” sabi pa ni Willie sa harap ng libu-libong BBM loyalists.

Kuwento pa niya, “Ang hirap ng buhay ng mahirap. Araw-araw for 18 years, nag-noontime show ako, from ABS, TV5 at GMA.

“Ano ang laging daing ng mahirap? Gamot, pagkain, kinabukasan ng mga anak nila. Yun ang araw-araw na naririnig ko. Yun ang dapat ninyong mararamdaman. Yun ang dapat nalalaman ng ating mga pulitiko.

“Ano ba? Hindi lang sa eleksyon. Dapat totoo yung pagsisilbi beinte kuwatro oras. Walang holiday. Nagkaroon ng bagyo sa Catanduanes, tumakbo ako. Nagkaroon ng bagyo sa Surigao, pumunta ako.

“Walang pagkain, walang pera ang jeepney drivers, gumawa ako ng paraan. Marami pa. Hindi lang iyan. Hindi ko iniaangat ang sarili ko,” dire-diretso pa niyang sabi.

Sa huli, nanawagan din ang TV host sa mga kandidato ngayong eleksyon, “Sa mga kasama ko rito, sana makasama ko sila. Silang mga nakaupo, ako’y magiging tulay ng mga mahihirap.

“Magiging boses, magiging tagabulong sa kanila sa inyong mga pangangailangan. Kayo, kayo, kayo ang importante sa buhay. Ano ba ang ibig sabihin ng buhay? Dapat nakangiti kayo,” pahayag pa ni Kuya Wil.
https://bandera.inquirer.net/311304/daryl-ong-nalagasan-ng-followers-matapos-ipakita-ang-tunay-na-kulay-no-matter-what-nirerespeto-ko-po-kayo

https://bandera.inquirer.net/308978/andrew-e-sa-mga-um-attend-ng-uniteam-rally-sa-cavite-totoo-ang-tao-dito-walang-photoshop

https://bandera.inquirer.net/312854/kakampink-miting-de-avance-top-trending-topic-sa-twitter-kathniel-sumugod-sa-rally

 

Read more...