IPINAG-UTOS na ng Makati City Prosecution Office ang pagsasampa ng mga kaukulang kaso kay Poblacion Girl dahil sa paglabag nito sa Section 9 ng Republic Act No.11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Concern Act.
Ito’y matapos makakita ng “probable cause” ang Makati City Prosecution Office sa isinampang reklamo laban kay Poblacion Girl o Gwyneth Chua sa tunay na buhay.
Siya ang balikbayang Filipino mula sa Amerika na dumating sa Pilipinas noong Dec. 22, 2021 na umano’y nakipag-party sa isang bar sa Makati habang sumasailalim sa ipinatutupad na mandatory quarantine ng pamahalaan para sa mga turistang pumapasok sa bansa.
Sinasabing naka-check in siya noong panahong yun sa Berjaya Hotel sa Makati City ngunit nakalabas siya mula sa designated quarantine hotel noong Dec. 23 at nagtungo isang bar sa Poblacion, Makati.
Matapos mabuking ang ginawang “pagtakas” umano sa hotel ay nagpositibo nga si Gwyneth sa COVID-19 at 15 sa mga taong nakasalamuha niya sa pinuntahang bar ang nahawa.
Bukod kay Poblacion Girl, inireklamo rin ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang kanyang mga magulang na sina Allan Dabiwong Chua at Gemma Leonordo Chua.
Isinama rin ng PNP-CIDG sa kanilang reklamo ang boyfriend ni Gwyneth na si Rico Atienza, at ilang staff ng Berjaya Hotel.
Sa paunang ulat, sinundo raw si Gwyneth ng kanyang ang ama mula sa Berjaya Hotel habang ang nanay naman niya ang naghatid sa kanya pabalik sa nirentahang quarantine hotel.
Base pa rin sa inisyal na imbestigasyon ng CIDG, kasama ni Gwyneth ang boyfriend na si Atienza kaya kabilang din siya sa mga inireklamo ng mga otoridad.
Idinawit din sa isinampang reklamo ng CIDG ang mga empleyado ng Berjaya Hotel kabilang na ang Resident Manager na si Gladiolyn Biala, Assistant Front Office Manager Salvador Sabayo, Security Manager Tito Arboleda, front desk counter personnel Hannah Araneta at ang security guard na si Esteban Gatbonton.
At sa resolusyon ngang inilabas ng Makati Prosecution Office na may petsang April 29, 2022, may nakita silang probable cause para sampahan ng kaso si Gwyneth at ang security guard na si Gatbonton dahil sa pag-assist nito sa pag-alis ng turista mula sa kanyang quarantine facility.
Inabswelto naman ng piskalya ang mga magulang at boyfriend ni Poblacion Girl pati na ang staff ng Berjaya Hotel dahil walang sapat na ebidensyang naiprisinta ang CIDG na nilabag nila ang RA 11332.
Ang mga mapatutunayang nagkasala base sa ipinatutupad na batas ngayong pandemya, ay pagmumultahin ng P20,000 hanggang P50,000, at pagkakakulong ng 1 hanggang 6 na buwan.
https://bandera.inquirer.net/301836/poblacion-girl-na-nakipag-party-at-lumabag-sa-quarantine-protocols-sunog-na-sunog-sa-netizens
https://bandera.inquirer.net/301892/poblacion-girl-hindi-tatantanan-ng-gobyerno-staff-ng-bar-sa-makati-nawalan-ng-trabaho
https://bandera.inquirer.net/302148/magulang-ni-poblacion-girl-kakasuhan-din-ng-cidg-kailangang-managot-din-daw-sa-batas