NAGPAKATOTOO na ang magaling na aktor na si Baron Geisler — hirap na hirap daw talaga siyang labanan at talikuran ang pagiging alcoholic.
Nagsimula raw siyang magkaroon ng relapse noong December, 2021 matapos silang mag-away at magkasagutan ng asawang si Jamie Evangelista.
Ayon sa aktor at celebrity dad, talagang nilalabanan niya ang muling malulong sa kanyang bisyo dahil alam niyang magkakaroon ito ng matinding epekto sa pinakamamahal niyang pamilya.
“Nag-relapse ako nu’ng December and naging continuous siya up until last month, but now I’m back sa 12-step program na nakakatulong po sa akin,” ang pahayag ni Baron sa panayam sa kanya ng mag-asawang Julius Babao at Christine Bersola.
Sabi pa ng aktor, feeling niya wala nang gamot sa kanyang pagiging alcoholic at ikinumpara pa nga niya ito sa mga sakit na cancer at diabetes.
“May allergic reaction po ang utak ko sa alak, I cannot stop. Once na matikman ko siya kailangan apat na araw po hanggang sa hindi na ako makatayo,” lahad ni Baron.
Inamin naman niya na naging selfish at na-carried away siya nang magkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan ni Jamie at binalewala ang feelings at pangangailangan ng asawa.
Pero agad naman niyang nilinaw na hindi sila naghiwalay ni misis at sa kasalukuyang ay pareho silang sumasailaim sa “12-step programs” para maisaayos muli ang kanilang pagsasama.
“Nagkaroon lang kami ng misunderstanding ni misis, parang nawala ‘yung pagka-empathetic ko and hindi ko nabigyang halaga ‘yung mga gusto niya, kasi dapat naging aware ako kasi needs ng wife ko e. So naging selfish ako ulit and ayon na,” paliwanag ng aktor.
Kung may isang bagay daw siyang natutunan sa karanasan niyang ito yan ay ang pagtanggap sa katotohanan na isa siyang alcoholic at hindi pa rin niya kayang kontrolin ang sarili kapag inatake siya ng kanyang “sakit.”
“It is making me understand that I really am an alcoholic. You have to keep coming back to the program and work on your program,” pahayag ng aktor.
At kapag daw natapos na niya uli ang tinatawag niyang “12-step program” nais niyang ibahagi ang kanyang mga bagong natutunan pati na ang naging journey niya to recovery sa lahat ng dumaranas ng katulad na sitwasyon.
“I don’t want to promise anything. Again, I said attraction rather than promotion, if I keep doing it then, it’s hard to promise.
“But the good thing here is siguro three and half years or four years, wala nang narinig ‘yung mga tao sa akin until ‘yung sa video,” diin pa ng aktor.
Kamakailan lamang ay ibinandera ni Baron sa publiko ang latest niyang achievement — sa wakas, nakuha na rin niya ang pinakaaasam na college diploma.
Nagtapos siya ng kursong Theology sa All Nations College sa Antipolo, Rizal, na sinimulan niya noong 2019.
https://bandera.inquirer.net/292678/baron-geisler-nawalan-ako-ng-diyos-feeling-ko-kasi-ako-yung-pinakamagaling
https://bandera.inquirer.net/311776/sa-wakas-baron-geisler-naka-graduate-na-sa-college-its-never-too-late
https://bandera.inquirer.net/309976/baron-geisler-viral-na-naman-sinong-kailangang-i-rehab