McCoy de Leon inatake ng matinding depresyon: Bigla na lang akong yuyuko, iiyak at…malapit nang sumuko!

McCoy de Leon, Elisse Joson at Baby Felize

INATAKE rin pala ng matinding depresyon ang Kapamilya actor at celebrity daddy na si McCoy de Leon dahil sa pinagdaanang mga pagsubok.

Inalala ng live-in partner ni Elisse Joson ang matitinding challenge na dumating sa buhay niya at nang ma-diagnose siya ng anxiety at depression noong 2020.

Nitong nagdaang Huwebes, April 28, nag-post si McCoy sa kanyang social media account ng isang litrato na kuha sa isang eksena nila ni Elisse sa pelikula nilang “Habangbuhay” na napapanood na ngayon sa Vivamax.

Makikita sa litrato ang pag-iyak ni McCoy habang dinadamayan naman siya ni Elisse. Sabi niya sa caption, “Masyadong naging personal itong pelikula na to sa akin dahil.

“Naalala ko nu’ng tinamaan ako ng sakit na hindi ko alam na meron pala ako. Nu’ng taong 2020 na-diagnose ako ng depression.

“Nakangiti ako pero sa loob ko hindi kinakaya ‘yung mga bagay na pinagdadaanan.


“Naalala ko rin naisama ko pa nga sa isang short film kung ano itsura ko nu’n. Ganitong oras din yun 4:40 a.m. kaya hindi ko makakalimutan ‘yun hanggang sa inumaga ako at hindi nakatulog. Bigla nalang ako yuyuko, naiiyak at malapit nang sumuko,” pagbabalik-tanaw ng aktor.

Aniya pa patungkol sa ibinahagi niyang photo sa Instagram, “Itong eksena na ‘to ang parehas na parehas ng naramdaman ko nung nararanasan ko na ‘yung sakit na ‘yun. Hindi man parehas ang sakit na meron sa pelikulang it.”

Ani McCoy, mabuti na lamang daw at naroon si Elisse na siyang tumulong sa kanya para mapagtagumpayan ang mga pinagdaanang hamon sa buhay.

“Pero parehas na tao ang nasandalan ko noon siya ang naging gamot ko, sinamahan niya ako magpadoktor.

“Binilhan niya ako ng pusa na sinasabing makakatulong daw ito higit sa lahat nilapit niya ako sa Diyos lalo lahat ng way naging lunas sa sakit ko noon. Kaya laking pasasalamat ko sa taong ito,” pahayag pa ng aktor.

Para naman sa lahat ng katulad niya na dumaranas ngayon ng depresyon at iba pang mental health problems, payo ni McCoy, laban lang at huwag na huwag susuko.

“Sa lahat ng iba na nakakaranas pa nito laging may rason at ‘wag susuko. Nai-share ko lang dahil nung nakita ko ‘yung picture na ‘to na galing sa pelikula namin bumalik lahat,” paalala ni McCoy.

Sa panayam namin sa batambatang ama sa ginanap na summer launch ng Vivamax recently, sinabi ni McCoy na ibang-iba na ang priorities niya ngayong may anak na siya at gagawin daw niya ang lahat-lahat para mabigyan ng magandang future si Baby Felize.

Inamin ng tambalang McLisse noong October, 2021 na may anak na sila sa pagbisita nila sa “Pinoy Big Brother”. Last February naman ay bininyagan na ang panganay nilang si Baby Felize.

https://bandera.inquirer.net/309919/mccoy-laging-tinatanong-kung-kailan-pakakasalan-si-elisse-ayaw-naming-biglain-ayaw-naming-madaliin

https://bandera.inquirer.net/311244/elisse-ibinuking-kung-bakit-nai-stress-pa-rin-si-mccoy-kahit-may-mga-negosyo-at-2-building-na

https://bandera.inquirer.net/302060/maxene-hindi-masyadong-ok-noong-holiday-season-i-thought-why-not-cry-in-boracay

Read more...