PUMALAG ang komedyanteng si Juliana Parizcova Segovia sa blind item ni Vice Ganda tungkol sa mga troll na nagpapakalat ng fake news at mga kanegahan sa social media.
Sa live episode ng “It’s Showtime” kahapon, April 26, may pa-blind item nga si Vice na tumutukoy sa mga taong kumakapit sa patalim kapag desperado na sa buhay tulad ng mga bayarang trolls.
Nangyari ito sa segment na “Showtime Sexy Babe” kung saan tinanong ni Vice ang isang contestant ng, “Naniniwala ka bang kapag basher ka sa social media, toxic ka rin sa totoong buhay? Bakit?”
Sagot ng kandidata, hindi raw toxic sa totoong buhay ang bashers sa socmed na sinang-ayunan naman ng TV host, “May kilala rin ako na ganito. Sa totoong buhay, hindi naman siya toxic talaga pero basher siya sa social media.
“Tapos, nalaman ko kasi troll siya. Trabaho, kasi wala siyang pera, e. So, ‘yon yung ng effect, ginawa niya yun, kumapit siya du’n kahit mali kasi kailangan niya ng pera dahil naghihirap siya.
“Kaya sabi ko sa iba naming kaibigan, huwag niyo nang patulan, di ba? Masakit man, pero yun ang epekto sa kanya ng kahirapan. Kinailangan niyang gawin yun, di ba?” tuluy-tuloy na pahayag ng komedyante.
Aniya pa, “Hindi man katanggap-tanggap, pero siguro wala na siyang choice. Mabait naman ‘yan, e, pero ngayon, magugulat ka talaga yung mga post niya, tapos nalaman namin troll pala siya.”
“Umabot na siya sa ganoon samantalang dati, sabi ko, kapag walang pera yun, super pa-Gcash. Nagpapa-Gcash sa mga bakla na, ‘Teh, pa-send naman kasi wala talaga.’
“E, ngayon, siyempre siguro lahat napa-Gcash na niya, kumapit na sa pagiging troll, at marami pong ganyan, ha?” pambubuking pa ni Vice sa taong hindi binanggit ang pangalan.
Kilalang supporter ni presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. si Julian, ang grand winner ng “Miss Q&A” season 1 ng “Showtime” habang si Vice ay lantaran ang pagsuporta sa kandidatura ni Vice President Leni Robredo.
Wala mang binanggit na pangalan si Vice sa kanyang blind item, umalma agad si Juliana base na rin sa palitan nila ng mensahe ng kaibigan niyang direktor na si Darryl Yap na isa ring BBM supporter.
Sa mga hindi pa aware, si Direk Darryl ang gumawa ng viral satire video na “Len Len” kung saan mapapanood ang mga patutsada nila laban kay VP Leni. Bida rito sina Juliana, Roanna Mercado at ang kapatid ni Bongbong na si Imee Marcos.
Sa pamamagitan ng kanyang mga social media accounts, ibinahagi ni Direk Darryl ang screenshot ng palitan nila ng message ni Juliana patungkol sa pang-ookray ni Vice sa mga trolls.
Sabi ni Juliana kay Darryl, “Iniisip ko nga hanggang ngaun…ni isang beses wala sa knya o sa mga kadikit n’ya ang hiningan ko ng gcash kahit singkong duling.
“Nu’ng wala akong pera at trabaho nag-online ukay-ukay ako sa FB Live…nagtinda ako ng pares at mami..pero never ako nanghingi sa kanya o sa knila,” aniya pa.
Hirit na tanong ni Darryl, “Sigurado ka?” Na nireplayan naman ng komedyante ng, “Siguradong-sigurado ako Direk. Never akong nanghingi sa knya.Kht minsan sinasabi sakin ng mga bkla lumapit ako sa knya never ko ginawa.
“Unang-una nahihiya ako dahil alam ko hindi nmn kmi ganon ka-close kaya bat ako hihingi,” paliwanag niya.
Wala ring sinabi si Juliana kung si Vice nga ang tinutukoy niya sa kanyang mensahe kay Darryl pero marami nga ang nagkokomento na siguradong para kay Vice ito dahil nga sa tinuran nito tungkol sa troll na nagpapa-Gcash sa mga kakilalang bakla kapag walang pera.
Payo ni Direk Darryl sa komedyante, “Kung gayon, wag ka nang magpaapekto. Iniisip nya na kalaban ka nya…You are the size of your enemy.
“Giginhawa rin ang buhay mo at ang naramdaman mong pangmamaliit ngayon ay ang pinakamalaking paalaala sayo na hindi ka hihinto hanggang maging matagumpay ka.
“Lahat ng sinabi niya ay repleksyon n’ya. Nandito lang kami ni Ro (kasama niya sa Len Len viral video) at Senator,” sey pa ni Darryl.
https://bandera.inquirer.net/303016/hamon-ni-korina-sa-bashers-nasaan-na-ang-mga-troll-na-bayaran-napagod-na-ba-kayo
https://bandera.inquirer.net/298031/xian-gaza-biglang-kambyo-sa-pasabog-na-blind-item-diego-barbie-dedma-lang
https://bandera.inquirer.net/297479/joshua-binago-ang-panuntunan-sa-buhay-hindi-na-ako-papa-apekto-sa-past