HINDI nakikipag-away si Julie Ann San Jose kay Daniel Padilla. Ito ang depensa ng Kapuso singer-actress nang makachika namin sa presscon ng launching teleserye niyang Kahit Nasaan Ka Man kung saan makakatambal niya si Kristoffer Martin.
Tinanong namin si Julie Anne kung totoo bang hindi talaga sila pinaglapit at sadyang hindi pinagtagpo sa nakaraang concert ni Ogie Alcasid (pareho silang special guest) para maiwasan ang tensiyon. Kung matatandaan nagkaroon ng isyu sa pagitan nila nang akusahan ng kampo ni Daniel sina Julie Ann at Elmo Magalona na inookray ang boses ng Kapamilya matinee idol.
Ilang beses nang dinenay nina Julie Anne at Elmo ang tsismis na ito pero tuloy pa rin ang pang-aaway ng mga fans ni Daniel sa dalawang Kapuso stars. Sey ni Julie Anne, wala siyang karapatan para manlait ng kapwa niya, “Sino ba naman ako para gawin ‘yun, alam ko namang hindi pa ako ganu’n kasikat, kumbaga, marami pa akong dapat patunayan. At ayoko ng kaaway, nandito ako para magpasaya ng tao at magtrabaho, hindi para makipag-away.”
Dagdag pa ni Julie Anne, “Sa totoo lang, bilib talaga ako sa fan base niya, as in talagang suportado siya sa lahat ng mga ginagawa niya, at lahat ng artista at singer ‘yun naman ang gusto, di ba? Kaya sana, wala na lang issue.”
Itatapat daw ng GMA ang serye nina Julie Anne at Kristoffer sa soap nina Daniel at Kathryn Bernardo sa ABS-CBN, kinakabahan ba sila? “Sort of, opo naman. Kasi this is my first time na magkaroon ng sariling teleserye, and primetime pa, so medyo nakaka-pressure.”
“Pero like I always say, I really want to keep peace sana and hindi naman din po kami nakikipagkumpitensiya. Kumbaga kung ano po yung matapatan, okay lang din po,” sey pa ni Julie Anne.
Speaking of Kahit Nasaan Ka Man, sa unang bahagi ng kuwento nito, bulag ang role ni Julie Anne, pero magiging isang singer matapos siyang maoperahan sa mata. Natanong namin kung paano niya ito pinaghandaan.
“Ang peg ko rito si Fatima Soriano, blind po siya pero ang ganda-ganda ng boses niya. Nakilala ko siya noon sa taping ng Andres de Saya (sitcom noon nina Cesar Montano at Iza Calzado sa GMA). Tapos, binista niya po ako sa taping kasi gusto lang daw niya akong makilala. Meron akong CD niya at lagi ko siyang pine-play sa kotse, as in like every day. Kasi ang lamig ng boses niya, para talaga siyang angel.
“Kaya siya ‘yung naisip ko rito sa Kahit Nasaan Ka Man, siya ‘yung ginawa kong inspiration. Kasi despite her illness, na hindi siya nakakakita, nakakakanta siya at ang ganda-ganda ng boses niya,” chika pa ng singer-actress.
Makakasama rin sa seryeng ito sina Lucho Ayala, ang magiging karibal ni Kristoffer kay Julie Anne, Rita Avila, Eula Valdez, Ronaldo Valdez, Michael de Mesa, Yayo Aguila, Tessie Tomas at marami pang iba, sa direksiyon ni Gil Tejada.
Samantala, sinagot din ni Julie Anne ang isyu sa kanila ni Elmo, may balita kasing ayaw na siyang makasama ng binata sa kahit anong proyekto, ang tsismis, mismong ang nanay daw nitong si Pia Magalona ang humaharang sa loveteam nila kaya naman minamalas ang career ng binata.
“Hindi ko po alam, pero okay naman kami ni Elmo. Maybe meron siyang rason, but, of course, like I always say, my life would still continue kahit wala na ‘yung loveteam,” paliwanag ng bagong GMA Primetime Princess.