Marian nalagay sa panganib ang buhay nang gawin ang ‘Dyesebel’: Feeling ko, ‘Ah, wala na mamamatay na ako dito’

Dingdong Dantes at Marian Rivera

NALAGAY pala sa panganib ang buhay ng Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera habang ginagawa nila noon ang Kapuso fantasy series na “Dyesebel.”

Binalikan ng TV host-actress ang tagpong yun kung saan inakala niyang malulunod at mamamatay na siya dahil sa biglang pagdating ng malakas na alon sa dagat.

Gumaganap na sirena si Marian sa “Dyesebel” na umere noong 2008 at karamihan sa mga eksena niya sa nasabing serye ay kinukunan sa dagat suot ang kanyang buntot.

Pero knows n’yo ba na ang insidenteng yun ang naging simula ng love story nina Marian at Dingdong? Inamin ng aktres na mula noon, mas naging close at mas nakilala pa niya ang kanyang leading man.

Unang nagkasama ang tambalang DongYan sa GMA primetime series na “Marimar” noong 2007 pero ayon kay Marian hindi pa sila nagkadebelopan doon ni Dong.

At nang gawin nila ang “Dyesebel”, dito na raw nagsimulang magparamdam sa kanya si Dingdong pero hindi niya raw ito sineseryoso.

Hanggang sa i-entertain na niya ang panliligaw ng aktor matapos malagay sa panganib ang kanyang buhay habang nasa taping nga ng “Dyesebel.”


“Mula umaga hanggang madaling-araw nakalubog ako sa tubig for Dyesebel. Wala akong reklamo nun. Kahit nanginginig ako, kailangan naming tapusin ang eksena namin.

“Sa buntot (ng sirena) kasi silicon kasi siya so kailangan mo siyang lagyan ng weights para lumubog ka sa dagat. So, nilalagyan nila ako nun. So, merong isang nag-aalalay sa akin.

“Rolling, ibabagsak nila ako sa tubig, isang camera lang,” pagbabahagi ni Marian sa YouTube vlog ng celebrity make-up artist na si Celeste Tuviera.

Chika pa ni Marian, pagkatapos siyang alalayan ng crew sa dagat ay mabilis itong lalangoy palayo kasabay ng pag-ikot ng camera.

“So, mag-isa lang talaga ako sa dagat. Hindi nila nakita na may along parating. Inalon ako ng dalawa, tatlong beses. Feeling ko katapusan ko na. Feeling ko madededo na ako,” pag-alala ng Kapuso star.

Marunong naman daw siyang lumangoy pero, “Hindi ko matanggal yung buntot ko kaya hinihila ako pababa. Although kapag tinanggal ko yung buntot ko, naka-panty lang ako. So, deadma na ako.

“Di ko matanggal yung buntot ko. So, inalon ako. Doon na medyo nagalit si Dong. Tumalon siya, tapos almost to sagip, pero siyempre, may mga diver naman.

“Tapos kinuha niya ako na para akong bata. Nilagay niya ako sa boat yata yun,” pagbabalik-tanaw pa ng aktres.

Humingi raw ng tuwalya si Dingdong sa production crew at ibinalot ito sa kanya, “Niyakap niya ako. Sabi niya, parang, ‘Are you okay?’ So, umiiyak na ako. Akala ko mamamatay na talaga ako.”

“Wala na. Wala na. Parang feeling ko, sabi ko, ‘Ah, wala na, mamamatay na ako nito,” kuwento pa ni Marian.

Nakita rin daw niya na pinagsabihan daw ni Dingdong ang crew dahil sa nangyari, “So nagalit siya, ‘Bantayan niyo. Hindi niyo ba nakikita may ganyan, ganyan, ganyan.”

“Du’n na nagsimula. Parang dun ko nakita na, ‘Ah, mabuting tao siya.’ Kapag may nangyari palang masama sa akin, masasaktan pala siya.

“So, du’n nagsimula na, ‘Ay, mabait naman pala si Koya!’” natatawang chika pa ng celebrity mom.

Ikinasal sina Dingdong at Marian noong Dec. 30, 2014 at biniyayaan ng dalawa anak, sina Zia, 5, at Ziggy, 2.
https://bandera.inquirer.net/288384/ivana-bagay-na-bagay-maging-dyesebel-kapatid-na-si-hash-nanliligaw-kay-donnalyn-bartolome

https://bandera.inquirer.net/305379/nadine-natupad-na-ang-pangarap-maging-sirena-sigaw-ng-fans-dyesebel-beke-nemen

https://bandera.inquirer.net/284980/juday-umiyak-nang-bongga-nang-mapurnada-ang-pagganap-na-sirena-sa-dyesebel

Read more...