PUMANAW na ang veteran actress at tinaguriang Queen of Visayan Movies na si Gloria Sevilla kahapon, April 16. Siya ay 90 years old.
Sumakabilang-buhay ang award-winning actress habang natutulog sa kanilang bahay sa Oakland, California.
Ang malungkot na balita ay inihayag ng event host at veteran broadcaster na si Sam Costanilla sa pamamagitan ng kanyang Facebook account.
“Gloria Sevilla, Queen of Visayan Movies, has died in the US. She was a Sibonganhon. Tita Glo was 90 when she passed,” ang mensaheng ipinost ni Sam Costanilla sa FB.
Unang nakilala si Gloria Sevilla bilang magaling na aktres sa mga Visayan films, kabilang na riyan ang “Badlis sa Kinabuhi” kung saan nanalo siyang best actress sa FAMAS (Filipino Academy of Movie Arts and Sciences) noong 1969.
Bumida rin siya sa “Gimingaw Ako, Madugong Paghihiganti” at marami pang iba. Napanood din siya sa napakaraming mainstream movies at teleserye.
Pansamantalang tumigil sa pag-aartista ang veteran actress ngunit pagsapit ng taong 2019, bumalik sa showbiz si Gloria sa pamamagitan ng pelikukang “Ang Pagbabalik” na isa sa naging official entry sa Pista Ng Pelikulang Pilipino.
Ilan pa sa mga award-winning movies niya ay ang “M: Mother’s Maiden Love” (2014) at “Maestra” (2018).
Sa kanyang mga nakaraang panayam, talagang lagi niyang ipinagmamalaki ang mga Visayan movies, “Basta maligaya ako na napasali ang aming pelikula na isang Visayan movie.
“Iyan ang dream ko talaga na mabigyan ng importansiya ang Visayan movies because Visayan movies is a part of Philippine movies. Gusto ko may Davao, may Cebu, may Samar, and, of course, Luzon.
“Kasi sa mga Bisaya, maraming mga artistang magagaling, of course, buong Pilipinas magagaling ang mga artista natin, may talent sila, hindi tayo nagpapahuli sa mga artista sa ibang bansa,” pahayag ng aktres.
Taong 2019 din nang bigyan siya ng Lifetime Achievement Award sa Gawad Urian.
Nagkaroon ng anim na anak si Gloria Sevilla sa asawang si Mat Ranillo Jr., na tinagurian namang King of Visayan Movies na pumanaw naman noong 1969 dahil sa plane crash.
Ang kanilang mga naging anak ay sina Lilybeth, Mat III, Suzette, Jojo, Dandin at Juni.
Isa sa mga adbokasiya noon ng beteranang aktres ay ang maipaalam at maipagmalaki sa bansa at sa buong mundo ang mga indie movies na gawang-Pinoy.
“Ang indie films ngayon ay magaganda, lalo na ‘yung mga bagong sibol na director na magagaling talaga. At saka they make movies na may istorya na kinakailangan talaga natin ngayon para sa industriya.
“Mas gusto ko ang indie films, maliban sa magaganda ang istorya, madaling matapos ang shooting. Kaya mas gusto ko ang indie films talaga,” pahayag ng aktres sa isang panayam.
https://bandera.inquirer.net/291878/pelikula-nina-gloria-vilma-at-nora-babandera-sa-1st-philippine-film-industry-month-ng-fdcp
https://bandera.inquirer.net/280775/premyadong-senior-actor-may-budget-para-sa-indie-film-may-investor-kaya
https://bandera.inquirer.net/289385/gloria-hidilyn-memes-viral-na-sa-socmed-pati-si-ogie-nadamay-buenas-diaz-in-diaz-we-trust