“MAY lovelife ka ba ngayon?” ang diretsong tanong ng vlogger at talent manager na si Ogie Diaz kay dating Quezon City Mayor Herbert Bautista.
Nakapanayam ni Ogie ang aktor at politiko sa bago niyang vlog sa YouTube kung saan naitanong nga ang ilang detalye tungkol sa personal niyang buhay.
“Ngayon? I’m in a place na masaya lang. Hindi ganu’n kaseryoso pero seryoso rin at the same time. Meron kang inspirasyon, meron kang motivation ganu’n ‘yung sitwasyon ko ngayon,” ang sagot ni Bistek.
Hirit ni Ogie, “No commitment?”
“Hindi kasi pinag-uusapan, eh. Parang hinahayaan mo lang siyang mag-evolve,” tugon naman ni HB.
“Nararamdaman n’yo lang sa isa’t isa ni Ruffa (Gutierrez),” tanong ulit ng vlogger-host.
“Oo, ha?” humagalpak na sagot nito habang humawak sa kamay ni Ogie.
Sabay sabing, “Oo ganu’n lang, ganu’n lang parang…siyempre ako I motivated her to go back to school. Graduate na siya by July.”
Natanong ni Ogie kung paano nagawang himukin ni Bistek si Ruffa na magbalik-eskuwela, “E, kasi gusto niya kasi alam niya nagtapos ako, di ba? So, sabi niya, ‘puwede pa ba ngayon at this age?’
“Sabi ko, ‘bakit hindi?’ So, naghanap siya (ng school) at nakita raw niya ang PWU (Philippine Womens University),” ani Bistek.
Balik-tanong ni Ogie, “Wala pa kayo noon (na relasyon)?”
Kaswal na sabi ni Bistek, “Wala pa hindi pa kami nu’n. So, nakita nga niya PWU, sabi ko pasukin mo na, I’m just pushing her, sige just move on, move forward. So, ganu’n din naman siya sa akin, di ba? Kaya ‘yan, trabahuin mo lang, kilos lang.”
Gusto rin naman daw magtapos ni Ruffa dahil ang mga anak nito ay nag-aaral at nasa college na ang panganay na si Lorin at si Venice ay magtatapos naman ng high school at gustong ipakita ng single mom na nag-aaral siya habang nagtatrabaho.
“Ipinakikita niya ‘yung value ng education para sa mga anak niya,” sambit ni Herbert.
Ang paglalarawan ni HB sa relasyon nila ni Ruffa, “Kung ang tanong, e, kung mayroon ba kayong commitment, wala, eh. We just support each other. Hindi ko alam kung support na nagtutulungan kami but it’s the conversation na kapag nag-uusap kami, ‘parang oo nga, you have a point.’ I cannot describe that kind of relationship it’s either friends kayo or more than friends kayo.”
Balik-tanong ni Ogie, “Wala kayong label?”
“Uso pa ba labels ngayon? I mean with this age? Wala ng label ngayon na boyfriend/girlfriend. Hindi na, eh. It’s a mature relationship,” katwiran ni HB.
Ganito rin daw ang motivation ni Herbert sa apat na anak niya noong nag-aaral pa, kabilang na ang dalawang panganay niyang sina Grace (kay Eloisa Matias) at Athena (kay Tates Gana).
“Si Harvey gumradweyt na sa senior high school, a year and a half. Sabi niya, ‘Papa papahinga muna ako.’
“Sabi ko pahinga, dalawang taong pandemya online naman, papahinga ka pa? Pero sabi ko sige don’t stress yourself you have to enjoy.
“Nu’ng panahon natin block (ang oras) from 7 a.m. to 3 p.m. (may pasok), so ngayon puwedeng ilang subjects lang, dahan-dahan. It’s the journey, meeting new people, learning at the same time,” kuwento ng proud dad sa apat na anak.
For the record hindi pinabayaan ni Herbert ang apat niyang anak pagdating sa financial, pero aminado siyang wala siyang sapat na oras kaya isa sa dahilan kung bakit hindi siya kumandidato noong 2019 pagkatapos ng termino niya bilang mayor ay para bigyan naman ng oras ang mga anak niya sa magkaibgang nanay.
“I want to spend time with my children and nandoon sila sa mga nanay nila, so, once in a while pumupumunta ako sa kanila,m magdi-dinner kami,” tsika nito.
Hindi nga lang natodo nang husto ang bonding dahil may pandemic kaya hindi sila nakakalabas pero siniguro niyang lagi niyang tinatawagan ang apat na anak para makausap niya.
Aminado si Herbert na masyado siyang mainit noong kabataan niya kaya nagkaroon siya ng ganitong klaseng experience sa buhay niya (dalawang set ng pamilya).
“But I do not regret, para sa akin ‘yung nagkaroon ako ng apat na anak na magagaling, matatalino at ‘yung mga nanay naman ng mga anak ko ay very disciplined people, God fearing, at saka inalagaan ‘yung aming mga anak. Hanga ako ro’n kasi nga lagi akong wala, eh. I must admit I am an absentee father,” pagtatapat ni Bistek.
Pero hindi naman daw siya nagpapabaya sa mga importanteng okasyon sa buhay nila. Dapat sana ay lilibutin nila ang buong Pilipinas noong pagbaba niya bilang mayor pero may pandemya kaya hindi nangyari ang mga plinano niya na makasama ang bawa’t pamilya.
Inamin din ni HB na sa karanasan niyang ito ay dito siya tumibay at nakita niya ang kahalagahan ng pagiging ama sa apat na anak.
https://bandera.inquirer.net/309133/ano-nga-ba-ang-ipinangako-ni-herbert-bautista-kay-kris-aquino
https://bandera.inquirer.net/310665/herbert-humingi-ng-paumanhin-kay-kris-wala-na-ako-sa-tabi-niya-nung-panahong-kailangang-kailangan-niya
https://bandera.inquirer.net/299467/ruffa-sa-height-ni-herbert-half-of-filipino-men-are-shorter-than-me