INAMIN ni Robin Padilla sa panayam ni Toni Gonzaga na in-upload sa YouTube channel nitong Toni Talks na nakalaya siya mula sa pagkakakulong dahil sa magandang record niya sa loob.
“Hindi ako sumama sa mga gang, nakita nila na mabuti naman ‘yung hangarin ko. Kasi una kong nakita roon kulang sa mga higaan humingi ako ng tulong sa mga artista nag-donate sila,” kuwento ng aktor kay Toni.
Balik-tanong ng vlogger at TV host, “Ano sa tingin mo ang purpose mo bakit ka nakulong?”
“Number one para sa drug offenders. ‘Yun talaga na magkaroon ng programa ang Bilibid sa amin,” saad ni Binoe.
Bukod dito, naisip niya na para rin daw magkaroon ng drug rehabilitation sa loob ng kulungan at dahil sa pagkakakulong ay nalinis din ni Robin ang sarili at mas napalapit siya sa Panginoong Diyos.
Kasikatan kasi ni Binoe noong nakulong siya dahil nahulihan siya ng iba’t ibang kalibre ng baril na ayon sa kanya ay bahagi ng kanyang koleksyon para sa karakter niya sa pelikula.
“Naging mabuti ako for sometime sa aking ex-wife, sa mga anak ko. Marami rin tayong nasagip na mga tao, drug offenders pati ‘yung mga pareho kong (nasangkot) illegal possession of firearms.
“Libo ang lumaya dahil sa Robin Padilla Law kasi nakulong kami sa Presidential Decree 1866. Ito ‘yung time ng martial law na pag nahulihan ka ng baril makukulong ka ng 17-21 years.
“Nu’ng nakulong ako nilabanan namin ito, sumulat ako kay Sir Greg (Gringo Honasan). Si Sir Greg kasi kasama ko sa RAM (Reformed Armed Forces Movement). Sabi ko, itong batas na ‘to Martial Law pa, hindi naman martial law na ngayon bakit kami pinahihirapan pa?
“Kaya sumulat din ako kay Senator Ramon Revilla, Sr. Gumawa sila ng bagong batas. Inamiyendahan nila ‘yun, so, from 17-21 years bumaba ang mga sintensiya namin ng 6-8 years.
“So, nu’ng nakatatlong taon na ako kalahati ng minimum puwede ka nang bigyan ng pardon and parole kung inirekomenda ka for good behavior,” kuwento ni Robin.
At dito niya sinabing wala siyang hiningan ng tulong para lumaya siya, “Kaya hindi ako lumuhod kahit kanino. Lumaya ako dahil hindi ako nagpaospital, hindi ako nagdrama.
“Lumaya ako dahil I served my sentence at nagpakabuti ako sa loob, tumulong ako sa gobyerno, nakalaya ako,” kuwento ng aktor na kumakandidatong senador ngayong Eleksyon 2022.
Hirit ni Toni, “Pero ginagamit ‘yan against you lalo’t tumatakbo kayo sa Senado that you are an ex-convict, anong masasabi mo?”
“E, ako lagi kong sinasabi na mabuti ako nakulong muna bago tumakbong senador, e, ‘yung iba, senador na nu’ng nakulong, di ba? Mas maganda naman siguro ang record ko?” natawang sagot ni Robin na ikinatawa rin nang husto ni Toni.
“Tapos ka na do’n,” tumatawang tanong uli ng vlogger-host at aktres.
Sabi ni Binoe, “Tapos na ako ro’n basta ako binayaran ko. Binayaran ko hindi ko tinakbuhan, hindi ako nagdrama. ‘Yung sinabing may kasalanan ako? Sige, bayaran ko ‘yan at nagbago ako, di ba?
“Madalas sabihin na, ‘we need change in government. Wala sigurong ibang change kundi eto nasa harap nila,” diin ni Robin.
Sang-ayon naman sa kanya si Toni, “Yes, the change starts from within before you change your environment before you change the world.”
“Isa lang naman ang talagang masisisi nila ako na wala akong magagawa talagang ganu’n, e, artista ako hindi ko na maaalis ‘yun part na ng pagkatao ko yun,” katwiran ni Robin.
Isa sa dahilan kung bakit tumatakbo si Robin sa Senado ay para isulong ang federalism sa bansa.
“Interest ng tao ang isusulong ko kasi kung interest ko lang, naranasan ko na lahat ‘yan, pera, kasikatan, okay na ako lahat diyan. Ako gusto ko lang ‘yung 80% ng ating mga kababayan, e, makita na nila talaga ‘yung pagbabago.
“Kasi naaawa na ako sa mga Pilipino. Ang dami ko ng sinuportahang presidente kasi hinihintay ko na matulak ang federalism. ‘Yun lang po talaga wala ng ibang paraan para tayo magbago,” paliwanag nitong mabuti.
Nakailang magagaling na presidente na raw ang Pilipinas pero walang nakitang pagbabago ay dahil nasa mabagal na sistema ng gobyerno. Kailangan na raw itong baguhin.
“’Wag po kayong matakot sa bago, dahil ‘yung bago marami tayong mae-explore. ‘Yung luma wala na po parang sasakyan lang ‘yan kahit anong gawin nating overhaul sa sasakyan na luma, wala na pupugak-pugak ‘yan, sumakay na po tayo sa bago,” pagtatapos ni Robin.
https://bandera.inquirer.net/288054/payo-ni-robin-kay-kylie-sabi-ko-pag-muslimin-mo-na-lang-si-aljur
https://bandera.inquirer.net/298928/robin-inalala-ang-buhay-preso-sa-vlog-ni-kylie-yun-yung-best-days-namin-ng-mama-mo-yung-nakakulong-ako
https://bandera.inquirer.net/298805/kylie-naiyak-nang-tanungin-ni-robin-so-wala-ba-talagang-pag-asa