Romeo napiling UAAP MVP

HINDI nasayang ang magandang paglalaro na ipinakita ni Terrence Romeo nang siya ang gawaran bilang Most Valuable Player sa seniors division ng 76th UAAP men’s basketball tournament.

Kumubra si Romeo ng 75.2857 statistical points matapos ang double round elimination para biguin si Bobby Ray Parks Jr. ng National University sa mithiing ikatlong sunod na MVP award.

Sa statistics kinukuha ang MVP sa UAAP at karapat-dapat naman si Romeo sa pinakamataas na parangal na maibibigay sa isang manlalaro dahil una siya sa liga sa scoring sa 22.2 puntos at steals sa 1.6 average habang pangalawa siya sa assists sa 3.9 pasa. Mayroon ding 6.3 rebounds kada laro pa ang FEU point guard na tatlong beses ding umiskor ng 30 puntos pataas sa elimination round.

Si Parks ay nalagay lamang sa ikatlong puwesto sa karera sa natipong 73.8571 SP gamit ang 18.3 puntos, 8.4 rebounds, 3.8 assists, 1.1 steals at 1.1 blocks.

Read more...