Team Philippines wagi sa 1st round ng World Cup of Pool

BINUKSAN nina Filipino cue masters Dennis Orcullo at Lee Vann Corteza ang kampanya ng Team Philippines sa pamamagitan ng matinding panalo sa pagbubukas ng 888.com World Cup of Pool 2013 na ginaganap sa York Hall sa London, United Kingdom.

Dinurog ng Filipino duo sina Ivica Putnik at Karlo Dalmatin ng Croatia, 7-4, sa opening round noong Miyerkules ng madaling araw.

Agad kinuha ng No. 6 seed Pilipinas ang 5-2 bentahe bago nagawang magwagi ng Croatia sa sumunod na rack at idikit ang iskor sa 5-3. Hindi naman nagpabaya ang Pinoy pool players sa sumunod na rack matapos umangat sa 6-3.

Nanaig ang Croatia sa kasunod na rack bago kinubra ng Pilipinas ang ika-11 na rack para tapusin ang labanan sa iskor na 7-4.

Makakasagupa naman ngayong gabi ng Pilipinas ang Singapore na naungusan ang 11th seed Poland, 7-5.

Ang Singapore squad ay binubuo nina Aloysius Yapp at Chang Keng Kwang.

Read more...