Maja nag-apply na talent manager kay viral kid Kulot: Susunduin kita kung nasaan ka man, maghanda ka na

Maja Salvador at Princess Katherine Caponpon

NAGPRISINTA agad ang TV host-actress na si Maja Salvador para maging talent manager ng viral kid na si Princess Katherine Caponpon o mas kilala ngayon bilang si “Kulot”.

Sa mga hindi pa masyadong aware kung sino si Kulot, siya yung batang Batangueña na sumikat sa viral video kung saan sinesermunan niya ang kanyang tatay na nasa inuman.

Umabot lang naman sa 17 million ang views ng nasabing video na talagang kinaaliwan ng mga netizens dahil nga sa pakikipag-usap nito sa ama na parang matanda na.

Mapapanood sa nasabing video si Kulot na may hawak na pamalo at pinagagalitan ang kanyang tatay dahil sa pakikipag-inuman nito. Papaluin daw niya ang ama sa puwet kapag hindi pa umuwi sa bahay nila.

Na-meet ni Maja at ng iba pang Dabarkads si Kulot, na anim na taong gulang na ngayon, nang sumalang ito bilang isa mga viral kids na itinampok sa “Bawal Judgmental” segment ng “Eat Bulaga” kamakailan.

Dito nabanggit ng bagets na kahit daw sikat na siya at kahit anong mangyari ay kailangang tapusin pa rin niya ang kanyang pag-aaral dahil kung hindi, lagot daw siya sa nanay niya.

Sa pakikipagchikahan ng nga “EB” Dabarkads, ibinuking ni Kulot na ang nanay niya mismo ang nagsabi sa kanya na pauwiin na ang ama.

Sa isang bahagi ng segment, tinanong nga ni Maja si Kulot kung gusto ba nitong mag-artista, “Oo siyempre!” ang mabilis nitong sagot.

Tanong uli ng aktres, kung gusto ba nitong siya na lang ang maging talent manager na agad sinagot ng bata ng, “Uho!”


“Hahanapin kita diyan sa Batangas. Kaya nga sinasabi ko sa’yo, susunduin kita diyan kung nasaan ka man. Maghanda ka na. Dala ko ang kontrata, hindi module,” sey pa ni Maja.

Sumabat naman si Jose Manalo sa usapan nina Maja at Kulot at sinabing puwede na raw hindi mag-aral ang viral kid kapag naging artista na siya dahil kikita na siya ng maraming pera.

Ngunit ipinagdiinan nga ni Kulot na kahit daw artista na siya ay tatapusin pa rin niya ang kanyang pag-aaral, “Kung hindi ako mag-aaral, ay lagapak ho ang puwet ko sa nanay ko!”

Tawa naman nang tawa ang mga host ng “Eat Bulaga” sa sinabi ni Kulot lalo na nang magreklamo pa ito tungkol sa mga module nila sa school at sinabing, “Hindi na po sila matapus-tapos.”

https://bandera.inquirer.net/283443/maja-tinanggihang-makatambal-si-gerald-sa-init-sa-magdamag-respeto-lang-daw-kay-rambo

https://bandera.inquirer.net/284370/sharon-naturukan-na-ng-covid-19-vaccine-sa-us-i-just-wish-my-kids-could-get-it-too-soon-2
https://bandera.inquirer.net/294437/maja-salvador-official-eb-dabarkads-na

Read more...