DEAR Atty.: BAON po ako sa utang sa credit card. Dati naman po ay nakakabayad ako sa oras at hindi pumapalya. Nagkataon lang po ngayon ay nawalan ako ng trabaho kayat nagkapatung-patong ang aming mga utang. Ma’am, makukulong po ba ako? Kasi sabi sa akin ng bangko ay pag di kami makabayad ay aarestuhin ako sa bahay namin. Utang ko po ay P20,000. Huwag n’yo na lang pong i-publish ang name ko. Taga-Marikina City po ako. —Miss Marikina
Dear Miss Marikina Wala namang nakukulong sa utang. Ngunit tandaan lang natin kapag ang utang ay nakuha sa pamamagitan ng “electronic means,” may posibilidad na kayo ay makasuhan ng criminal case na estafa. Halimbawa, kung lumipat kayo ng address na hindi nag-abiso sa credit card company, merong probable cause na kayo ay nanloloko ng kapwa at inyong tinatakbuhan ang credit card company kung saan ang utang o loan ay inyong nakuha sa pamamagitan ng “electronic means.” Samakatuwid, upang hindi mademanda ng estafa hinggil sa credit card, ipagbigay alam lang sa credit card company ang inyong address kung sakali kayo ay lilipat ng bahay. — Atty.
Dear atty.: Hello attorney, ilang months po ba ang inaabot ng kaso sa Court of Appeals bago po ito madesisyunan? Labor case po ito. – David de Guzman, 37, Tayug, Pangasinan, …1168 Dear Mr. De Guzman
Ang pagdedesisyon sa isang kaso ay talagang may katagalan dahil sa libu-libo ang mga litigante na nag-aapela. Pareho lang ito, kahit ang kaso ninyo ay civil case, criminal case o labor case. Ang kaso ng isa ay kasing-importante ng isa. —Atty. Fe
Dear Atty.: Pwede po bang magtanong? May lima po akong anak at ang asawa ko po ay walang ibinibigay na sustento sa amin. Nag-abroad po siya at balita ko ay nasa Maynila siya ngayon. Baka po pwede ninyo akong tulungan sa kung anong dapat kong gawin? – Salve, Albay, …0459
Dear Salve: Maaari kayong magsampa ng Petition for Support and Support Pendente Lite sa Regional Trial Court kung saan kayo nakatira (Province of Albay). Isumite po ang inyong marriage contract at ang birth certificate ng inyong mga anak sa husgado. Kapag kayo po ay may court order na, irerehistro ang court order sa POEA (Philippine Overseas Employment Agency) upang kayo po ay makakolekta. Kung ang inyong asawa ay maga-abroad ulit, maaaring hindi na siya payagan makapangibang-bansa hangga’t hindi nababayaran ang financial support sa inyong mga anak. —Atty.