Problema sa an-an

A pleasant day to you Dr Heal. Ako po si Ed ng Barobo, Surigao del Sur. Gusto ko po sanang magtanong kung anong mabisang gamot sa paa ko na namamanhid mula talampakan hanggang tuhod at sa right leg upper portion may parte ding namamanhid? Please give me an advice, Dr.Heal. Maraming salamat po. Ako po’y hypertensive 120/80 at diabetic 121-125 na 58 yrs old. — Ed, …5643

Ed, ang pagmamanhid ay maaring dulot ng iyong diabetes (diabetic neuropathy). Ang pinakamabuting gamot sa pamamanhid ay ang pagkontrol sa pinagmulan nito, at ito ang iyong diabetes. Siguraduhin na kontrolado ang iyong blood sugar, at magsimulang mag-exercise at mag-diet. Samahan mo ng Vitamin B-complex 1 tablet, 3x a day ang gamot mo sa diabetes.

Doc ask ko lang po kung ano po ba ang mabisang gamot sa pimples? Ako po si Mae ng Davao City. Marami na po akong nai-try na product pero wala pa ring nagyari. Hindi ko na po alam ang gagawin ko sa pimples ko. Thanks. — …3657

Dear Mae, natalakay na natin dito sa DOCTOR HEAL ang pimples. Uulitin ko lang na ang pinakamatinding sanhi nito ay stress o ang hindi mo pagkatulog. Ang hormones mo ay nag-iiba, at kailangan din ang tamang pag-alaga ng balat. Kailangan laging malinis, hugasan ang mukha ng benzoyl peroxide soap, pagkatapos ay pahiran din ng cream ito. Kung sobrang oily ang mukha, maaari kang gumamit ng astringent para matuyo ng kaunti. Kung chubby ka, iwasan ang matatabang pagkain at pati sugars. Kung may nana ang tagihawat, kailangan ng antibiotic – CLINDAMYCIN 100 mg 1 cap daily for 1 month.

Doc. Heal, good day po. Ask ko lang kung paano gagamutin ang warts sa aking balat? Senior citizen na ho ako ng Zamboanga Sibugay. Thanks. — ….3589

Ang kulugo o warts ay sinusunog sa pamamagitan ng electrocautery, laser o kaya radiofrequency. Maaari rin itong tanggalin ng surgery. Ang warts ay viral infection ng balat, nawawala at bumabalik kung hindi ito nagagamot nang maayos.

Jayson, 23, Manila. Good morning, doc. Ask ko lang po kung anong gamot na pwedeng inumin para sa an-an? Medyo kumalat na kasi sa katawan ko. Salamat po. — ….2759

Good afternoon po doc. Ako po si Gerald from Leyte. May problema po ako sa skin—parang manipis na an-an. Makati siya lalo kung mainit ang panahon. Di na tuloy ako makapaghubad ng t-shirt ko kasi nakakahiya. Gustong-gusto ko siyang matanggal. Ano po ba ang lunas, tsaka ano ang bawal kainin? Salamat po. God bless and more power. -…5225

Jayson at Gerald, ang an-an ay fungal infection. Kung marami ito ay dapat ka nang uminom ng anti-fungal tablet (Lamisil) sa loob ng isang buwan. Kasabay nito ay pahiran din ng anti-fungal cream na may steroid nang dalawang linggo at antifungal cream na lang sa susunod na dalawang linggo.

Read more...