KASAL na lang ang kulang sa maayos at solid na pagsasama ngayon bilang live-in partners nina McCoy de Leon at Elisse Joson.
Actually, mismong si McCoy na ang nagsabi na palaging ang tungkol sa pagpapakasal nila ni Elisse ang itinatanong sa kanila ng mga kapamilya, kaibigan at mga katrabaho.
At ito rin ang isa sa mga tanong na ibinato sa kanila sa ginanap na online presscon ng Viva Entertainment kahapon, April 4, para sa bago nilang pelikula, ang “Habangbuhay”.
Si McCoy na ang sumagot tungkol sa wedding plans nila ni Elisse, “Laging tinatanong sa amin ‘yan ng mga kamag-anak namin, ng mga nakakasalubong lang namin.
“Hindi naman sa nape-pressure, pero alam namin sa sarili namin na merong time na malalaman na lang namin.
“Siyempre sa akin manggagaling. Ang masasabi ko lang for now, gusto namin na i-explore pa yung bawat side namin.
“Marami pa kaming nae-explore ngayon. Marami pang mga kakaibang malalaman sa bawat isa kaya nandoon kami. Ayaw namin biglain, ayaw namin madaliin,” paliwanag ng aktor.
Samantala, dahil nga “Habangbuhay” ang title ng kanilang reunion movie, ay natanong din ang celebrity couple kung feeling nila ay pang-forever na rin ang kanilang pagmamahalan. Agad-agad na sagot ni McCoy, “Yes! Siyempre, panghabang buhay na ito kasi wala, e.
“Kagabi nga lang, nagpapasalamat ako sa Diyos kasi may trabaho ako, meron akong masayang pamilya, kaya sobrang kuntento ako sa buhay ko ngayon. Sobrang happy,” sey pa ng aktor.
Pinuri rin ni McCoy ang nanay ng kanyang anak na si Baby Felize dahil kahit ilang taon na silang magkakilala at magkasama bilang partners in life ay hindi pa rin ito nagbabago.
“Si Elisse, gusto niya lahat best for her family. Gusto niya lahat mabigyan ng kasiyahan, mabigyan ng time. Ayaw niya na may nale-left behind.
“Same Elisse na nakita ko as girlfriend ko, ngayon as a mother. Ibang-iba. Kung makikita niyo lang sa pictures, laging nagpo-photo shoot ‘yan, mga damit niya sosyal.
“Pero kapag nasa bahay, mas nakikita ko na yung priority niya, kay Felize, sa anak namin. Kumbaga, wala akong masasabing kulang, wala rin akong masasabing sobra.
“Sobrang perfect si Elisse para sa naging anak namin kaya thankful ako kay Lord.
“Sabi ko nga kagabi, nagdadasal ako, thankful ako kasi meron akong pamilya, meron akong girlfriend na tulad ni Elisse at may anak ako na katulad ni Felize,” ang puro pasasalamat pang mensahe ni McCoy.
Samantala, makalipas nga ang halos tatlong taon, magsasama muli ang magdyowa sa isang pelikulang siguradong pupukaw ng inyong damdamin, ang “Habangbuhay”.
Handog ng Vivamax, ito ay available for streaming sa April 20, 2022 sa Vivamax Plus at April 22, 2022 sa Vivamax.
Sa kuwento, gumaganap si Elisse bilang si Bea. Dahil sa sakit na Common Variable Immune Deficiency (CVID), mababa ang proteksyon ng kanyang katawan laban sa iba’t ibang impeksyon, kaya naging taong-bahay na lamang siya.
Kahit maraming ipinagbabawal ang kanyang ina na si Lily (Yayo Aguila), nananatiling masayahin at may positibong pananaw si Bea. Nag-e-enjoy siya sa kanyang sariling mundo na puno ng musika, pangarap at imahinasyon.
Live streaming ang kanyang paraan para makasalamuha ang ibang tao. Sa kabila ng lahat, masasabing maayos pa rin ang lagay ni Bea. At dahil kay JR, mas lalo pa siyang sumasaya.
Si McCoy ang gumaganap na JR, ang houseboy ng kanilang pamilya. Noong bata pa lang ito ay kinupkop siya ng yaya ni Bea nang makitang palabuy-laboy sa lansangan na parang wala sa sarili. Lumaking seryoso si JR.
“Sad boy” ang paglalarawan niya sa kanyang sarili. Naging magkalapit sila ni Bea dahil sa interes nila sa musika, hanggang tuluyan na nga silang ma-in love.
Mas binibigyang kulay ni JR ang mundong nakasanayan ni Bea, at para sa kanya, si JR ang kanyang “safe space”. Pero bigla na lang tila lumalayo si JR. Paano na ang pangako nito na magtatayo sila ng sariling pamilya at magsasama habangbuhay?
Ang “Habangbuhay” ay mula sa award-winning director na si Real Florido.
https://bandera.inquirer.net/296586/mccoy-elisse-pinag-usapan-kung-bakit-sila-naghiwalay-noon
https://bandera.inquirer.net/303196/elisse-sa-part-2-ng-love-story-nila-ni-mccoy-kapag-tumibok-ang-puso-wala-ka-nang-magagawa-kundi-sundin-ito
https://bandera.inquirer.net/304968/elisse-joson-ayaw-ng-bonggang-wedding-ang-dream-ko-lang-talaga-sa-dagat-at-sa-church