Kaibigang Buboy Fernandez

GEN. SANTOS CITY — Isang malugod at magandang araw ang nais kong ipaabot sa inyong lahat lalung-lalo na sa mga tagasubaybay ng kolum na ito sa Bandera. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan saan man kayo naroroon sa mundo.
Sa mga taga-GenSan, happy Tuna Festival sa atong tanan.
Habang patuloy  ang paghahanda natin para sa susunod na laban at mahigit na sampung linggo pa ang gugugulin para sa pagsasanay, nais ko sanang bigyang pugay ang isa sa mga humahalili sa aking training: walang iba kundi ang aking kaibigan at trainer na si Buboy Fernandez.
Dahil na rin sa may mga iba pang inaasikaso ang aking head trainer na si “coach” Freddie Roach na naghahanda para sa laban ni Miguel Cotto sa susunod na buwan pa, nakatutok na si Buboy sa aking panimulang mitts session at training dito sa GenSan kung saan pareho kaming lumaki at nagkaisip.
Si Cotto, na nakalaban ko noong 2009, ay tinuturing kong isa nang kaibigan sa labas ng ring. Nagkaharap at nagkumustahan kami muli noong isang buwan sa Wild Card Gym ni coach Freddie, kung saan ako nag-eensayo mula pa noong 2001 at kung saan din nagsasanay ngayon si Cotto.
Kapitbahay ko dati si Buboy sa Purok Labangal at dahil sa mas matanda siya sa akin, naging kasangga ko siya sa maraming araw at pagkakataon. Dito, lumaki kami sa hirap at saya ng kamusmusan. Maraming mga kuwento at pagsubok ang aming pinagdaanan upang makaahon kami sa kahirapan at mula noon hanggang ngayon, si Buboy ang isa sa mga pinakamalapit kong kaibigan, lalung-lalo na sa ibabaw ng ring.
Dahil sila ni coach Freddie ang nakakapansin ng ilan sa mga maliliit na bagay sa
aking bawat laban, masasabi kong malaki ang utang na loob ko kay Buboy bilang isang trainer at bilang isang kaibigan.
Talagang walang-iwanan at halos sintibay ng bigkis ng magkakapatid.
Kung tiwala lang ang batayan, lubos akong naniniwala sa bawat sasabihin sa akin ni Buboy patungkol sa training at strategy sa laban. Dahil pareho na rin kaming nagpaka-dalubhasa sa pagpapaunlad at pag-aayos ng luma naming uri ng pakikipaglaban patungo sa isang makabago at kinatatakutang anyo, kasama si Buboy sa tagumpay na aking natanggap sa maraming taon ng pagboboksing.
Maraming mga pagkakataon nang si Buboy, kasama pa ang isa kong assistant trainer na si Nonoy Neri, ang kung minsan ay nakatutok sa training kapag wala si coach Freddie. Naaalala ko nga noong 1997 nang bumalik ako sa probinsiya pagkatapos kong mapanalunan ang OPBF flyweight title, isinama ko si Buboy sa Maynila upang siya na ang taong tutulong sa akin sa pang-araw-araw. Tinuruan ko siyang humawak ng mitts at maging isang bihasang trainer dahil atleta rin si Buboy noong mga bata pa kami.
Ngayon, dahil medyo matagal pa naman ang laban na gaganapin sa Nobyembre 23 sa Macau, China kontra kay Brandon Rios, mahirap na biglain at itaas agad ang antas ng training ko. Kahit na naka-20 rounds kami ng mitts at heavy bag noong isang linggo, hindi puwedeng makuha agad ang rurok o peak ng performance, ayon na rin sa mga pagsusuri ng mga eksperto.
Panatag ang kalooban ko na nasa tabi ko si Buboy Fernandez, ang matalik kong kaibigan mula noon pa. Dahil sa tibay ng aming pinagsamahan, masasabi kong magiging maayos at maganda ang training namin laban kay Rios.
Sa susunod, ipapakilala ko rin ang iba pang mga kasapi ng Team Pacquiao, iyong mga taong malaki ang naitutulong nila sa akin sa bawat laban.
Hanggang sa Muling Kumbinasyon. May Almighty God Bless Us All, Always.

Read more...