ABOT-LANGIT ang pasasalamat ng TV host-comedian na si Willie Revillame matapos malamang negatibo siya sa cancer.
“Thank you, Lord! Thank you!” ang maligayang-maligayang pahayag ng host ng “Wowowin” nang matanggap ang good news mula sa kanyang mga doktor.
Aniya, talagang napakalakas ng powers ng sama-samang pagdarasal ng mga taong nagmamahal at nagmamalasakit sa kanya.
Matatandaang humiling si Willie sa kanyang mga tagasuporta na ipagdasal siya sa pamamagitan ng Facebook page at YouTube channel ng “Wowowin” matapos malamang may polyps siya sa colon o large intestine.
Inamin ng TV host na nakarandam siya ng takot nang ipaalam sa kanya ng mga doktor ang kanyang kundisyon kaya naman agad siyang sumailalim sa iba’t ibang uri ng medical test.
At kahapon nga, March 28, ibinahagi ni Willie sa viewers ng “Wowowin” na negative siya sa anumang uri ng cancer.
Kaya ang paalala niya sa publiko, “Kailangan po, nagpapa-executive check up tayo, yearly. Kung hindi niyo naman kaya, magpa-check kayo kahit out-patient kayo.
“Lalung-lalo na yung endoscopy, colonoscopy, para malaman niyo ho kung anong meron kayo sa loob,” pahayag ni Willie.
Aniya pa, “Katulad nu’ng akin, nagkaroon ho ako ng tinatawag nating polyps. Nakita sa colon ko na may polyps ako, madalas merong ganoon, natatanggal naman every year.
“E, two years ho tayong hindi nagpa-executive check up because of COVID. So, dalawang taon akong hindi na-check, and then merong nakita sa stomach ko.
“Pero awa ho ng Diyos, kanina, tinawagan ako ng 8:30 a.m. ng aking doktor, Dr. Juliet Cervantes ng St. Luke’s Global.
“Sabi niya, ‘O, Willie, kumusta ka? Sobra kang magdasal. Good news, negative ka sa cancer!’
“Thank you Lord! Thank you! Maraming-maraming salamat ho sa lahat ng mga nagdasal para sa akin,” ang bahagi pa ng pasasalamat ni Willie.
Inaatake rin daw siya ng kaba habang hinihintay ang resulta ng kanyang test, “Medyo hindi ako nakakatulog ng ilang gabi. Sabi ko nga, I’m ready. If worse comes to worst, ooperahan ako, puputulin yung bituka ko, ready naman ako.
“Ganoon talaga ang buhay. Mag-stop ako ng one month o mahigit one month and a half, okay lang din.
“But anyway, ang pinakaimportante, maraming-maraming salamat sa lahat ng mga nagdasal. Maraming salamat sa mga kaibigan ko, sa lahat,” pahayag ng komedyante.
Nauna rito, mariing dinenay ni Willie ang balita na nagsisisi na raw siya kung bakit umalis pa siya sa GMA at lumipat sa pag-aaring TV network ni Manny Villar na hanggang ngayon ay hindi pa rin nag-o-operate.
“Yung mga lumalabas na kung anu-anong balita, sa akin kayo maniwala, huwag sa tsismis. Huwag ho sa mga nagre-report na tsismis lang. Nakoo, sa akin kayo maniwala. Basta, ayoko na lang magsalita.
“Gusto namin siguraduhin kung ano ang mangyayari sa Wil Network, Wil TV app,” ani Willie.
https://bandera.inquirer.net/283849/willie-umaming-nalugi-ng-p140-m-dahil-sa-wowowin
https://bandera.inquirer.net/304950/true-ba-hindi-na-ni-renew-ng-gma-ang-kontrata-ng-wowowin-kaya-lilipat-na-sa-tv-network-ni-villar
https://bandera.inquirer.net/289186/willie-sa-kumokontra-sa-pagsabak-niya-sa-politika-wala-pa-ho-akong-desisyon-huwag-nyo-muna-akong-tirahin