SA wakas, nabasbasan na rin ng pari ang matagal na pagsasama ng modelong aktres na si Wilma Doesn’t at boyfriend nitong si Gerick Parin na ikinasal na kahapon, Marso 24 sa Aquila Crystal Place sa Tagaytay City.
Labing limang taong nagsama sa iisang bahay sina Wilma at Gerick at magkatuwang sila sa mga itinayong negosyo na sa kasalukuyan ay may restaurant sila na mismong mga anak ang katuwang sa pagsisilbi sa customers.
Naka Facebook live ang ginanap na kasal nang dalawa.
“Ayan na mga Marites, this is it,” sabi ni Wilma sa kanyang FB live bago siya magsimulang maglakad patungong altar.
Ang kilalang designer na si Randy Ortiz ang tumahi ng kanayang putting strapless ball gown.
Hindi napigilan ng asawa ni Wilma na hindi maiyak habang binabasa nito ang wedding vow para sa kanya.
Aniya, “Beb, una sa lahat, mahal kita at walang iba. Walang maiiba sa pagmamahal at tiwala na ibibigay ko sa’yo.
“Maraming salamat. Maraming maraming salamat sa mahabang panahon, na labinlimang taon o 15 years na naging parte ka ng buhay ko at nakapahabang taon pa ang kaya kong ibigay para sa’yo at para sa mga anak natin. Labinlimang taon ng ating pagsasama siguro ay sapat na para ibigay ko sa’yo ang buong ako.
“Nawala man si daddy, si mommy hindi man nila nasaksihan kung gaano ka kaganda ngayong araw na ito, sigurado ako na sila ay maligaya dahil natupad na ang isang pangarap, pangarap na matagal na nating pinangarap. At sigurado ako, wala man sila, maraming silang nagmamahal, silang lahat [attendees] magmamahal sa atin at titingin sa atin.
“Lulubusin ko na ang moment na ito. At sa honeymoon na lang ang iba… Sigurado ako, tulad ng sinabi ni Pastor, na mahaba pa ang paglalakbay, mahaba pa ang panahon na ating gugugulin sa buhay.
“Sigurado din ako, at pinapangako sa harap nilang lahat, na sasamahan kita habang ika’y nabubuhay. Sasamahan kita sa hirap at ginhawa. Tatapusin natin ang buhay na ibinigay sa atin nang masaya at may pagmamahalan.
“Kung may dumaan mang lungkot, sisiguraduhin ko rin na matatapos natin ’yon. Mahal kita, I love you at walang iba.”
Sabay biro ng magandang bride, “P’wede po bang copy paste na lang po? Ang ganda, e. ’Yon na rin po ang akin. Okey na po ba ’yon?”
Sabay labas ng kanyang wedding vow.
“Beb, I love you. Sa dami ng opinyon ko sa buhay pero ngayong araw na ito parang naubos silang lahat. I don’t know what to say. Nakakaloka ka.
“Thank you for the love, patient. Patient ba o patience? Thank you for correcting me. Sinadya ko talaga ’yon. Thank you for the patience, understanding, and above all, acceptance—hindi lang sa akin, kasama ang mga itik (mga babaeng anak) ko. By the way, hindi na sila mga itik ngayon, pabo na sila.
“Thank you dahil lagi ka lang kalmado. Dahil d’yan, ikaw talaga ang tunay na paka-bongga. Kaya talaga ako’y laging sa’yo. Hindi man kita mahal araw-araw. Aminin mo may mga araw na gusto kitang isauli sa tatay mo. Aminin mo minsan gusto kitang ilagay sa sako. Pero pipiliin ko pa ding makasama ka sa araw-araw. Ayiiii!!!
“Mahal kita, walang iba, gaya nang sabi mo. Thank you for making my dreams come true. I’m so proud of what you have become as a father, provider, and a partner.
“I cannot promise you the heaven, the sun and the moon. But one thing for sure, my love is everlasting. Iba ang dating nito. Isa lang ang sigurado na lagi kong maipapangako sa’yo, lagi kitang pasasayahin sa lahat ng kagagahan ko, sa kasabawan ko sa buhay dahil ’yon ang nagiging dahilan para ikaw ay mapasaya ko.
“Sa dami nang maling nangyari sa buhay ko, ikaw at ang mga anak natin ang tanging tama.
“Sa marami pang camping, gala, away, diskusyon kung tama ba, kung pantay o hindi, kung maalat ba o hindi, sasamahan kita at pagtatawanan natin ’yon.
“Fifteen years, Beb! Totoo ang kasabihang patience is a waiting. Mahal kita. Alam mo ’yan. Sa dami ng pinagdadaan nating dalawa…auto pass na ang pambababae mo.
Lumingon ka doon sa likod mo isusumbong kita sa mga ninong ko at mukhang sila naman ang bahala sa’yo.
“I love you to the moon and back. Ikaw lang wala ng iba.”
Sabay kiss sa isa’t isa na inunahan na nila ang anunsyo ni Father.
Matatandaan na July last year nang ma-surprise si Wilma sa wedding proposal na sinetup ni Gerick sa Tagaytay na itinaon sa mismong birthday n’ya. Inakala daw n’ya na magho-host lang s’ya nu’n ng pa-raffle sa isang event pero ang hindi n’ya alam ay s’ya pala ang tatanghaling “winner” dahil matagal n’ya ring inasam na someday ay maikasal.
Saksi naman ang mga anak nina Wilma at Gerick sa pag-iisang dibdib nila.
May anak na ang dalawa, si Orion, dalawang babae naman ang kay Wilma, sina Asiana at Svetlana at si Gerick ay may nauna ring anak na lalaki.
Mula sa Bandera ay binabati namin sina Gerick at Wilma Doesn’t Parin ng congratulations at best wishes.
Related Chika:
Wilma Doesnt engaged na sa non-showbiz dyowa: Best birthday gift ever! Yahoooo!
Wilma Doesnt mas lalo pang na-in love sa kanyang fiancé: Mahal na mahal niya ang mga anak ko!