MUKHANG hindi naman apektado si Pasig City Mayor Vico Sotto sa kasong cyberlibel na isinampa laban sa kanya ni Pasig City Vice Mayor Iyo Bernardo.
Base sa nag-viral na post ng mga netizens sa social media, tila tinawanan lamang ng alkalde ang nasabing complaint ni Iyo Bernardo sa Bulwagan ng Katarungan ng Pasig last March 18.
Base sa interview ng Pasig News Today, ang reklamo niya ay base sa naging pahayag ni Mayor Vico sa isang flag ceremony noong Jan. 10, 2022.
“Ito ho ay yun pong nangyaring insidente na nangyari sa flag ceremony dahil naniniwala kasi ako na hindi ho nagagamit ang flag ceremony.
“Ginagamit po ito para pasalamatan ang mga empleyado ho namin, para ho i-encourage, para ho lalo pa hong magtrabaho po para sa mga Pasigueño.
“Kasi basically, yun doon sa sinabi sa flag ceremony ay kinukuwestiyon po yun pong trabaho ng Vice Mayor.
“Ako po, bilang Vice Mayor po, ang namumuno ho, yun pong pangangailangan nila lalung-lalo na po sa ayuda during the pandemic po,” pahayag ng vice mayor.
Narito naman ang bahagi ng speech ni Mayor Vico sa nasabing flag ceremony matapos punahin ni Bernardo ang kawalan umano ng sistema sa pamamahagi ng ayuda sa Pasig.
“Sana bago tayo mag-usap tungkol sa pulitika, bago tayo mamulitika… ito po, pagpasensiyahan niyo na po, kailangan ko lang din po sabihin.
“E, kung nakakausap ko sana si Vice Iyo, at kung sumasagot ka sana sa tawag at text ko, e di sana hindi ko kailangan sabihin in public. Pero wala na rin po akong choice kasi hindi naman nga po sumasagot sa akin.
“Sana bago natin pag-usapan ang pulitika, bago tayo mamulitika, magtrabaho muna tayo. Tuluy-tuloy po sana tayo sa trabaho natin,” sey ng alkalde.
Kasunod nga ng pagsasampa ng cyberlibel ni Bernardo kay Vico, naging trending topic nga sa social media ang umano’y reaksyon dito ng mayor ng Pasig.
Nakita ng ilang netizens na nakapanood sa report ng Pasig News Today ang reaksyon ni Vico na nag-post daw sa comments section ng “HAHA”. Na-screenshot nila ito at ipinost sa Facebook.
Wala pang official statement si Vico hinggil sa nasabing reklamo pero kung matatandaan, noong March 16, Miyerkules ay nagsalita na rin siya sa One News PH tungkol sa gusot sa pagitan nila ni Bernardo.
“Well, yung pinost niya sa social media, actually hindi ko na rin pinanood nang buo. May mga nag-send lang sa akin, pinanood ko yung ibang parts.
“Hindi ko na rin binuo kasi at least dun sa part na napanood ko, karamihan naman wala masyadong sense. So hinayaan ko na lang, hindi ko na rin sinagot.
“I think, kaya siya nag-post ng ganu’n kasi may mga nabanggit ako, may nasabi ako nu’ng isang flag raising-ceremony namin.
“Pero para sa akin, hindi yun personal. Hindi naman tayo namemersonal kundi, we just spoke the truth. Na bilang mga halal na opisyales, meron tayong responsibilidad sa tao.
“At kung meron tayong gustong sabihin, meron tayong pagpuna na gustong gawin, idaan muna natin sa tamang daan, ano.
“Halimbawa, may local special bodies kung saan miyembro naman po siya dun, so bago mag-public statement, bago gumawa ng video sa social media, idaan mo muna kasi miyembro ka naman dun.
“Buti kung wala kang pagkakataon, e di sige. So idaan muna sa tama, kung walang mangyari, tsaka ka ngayon gumawa ng eksena or whatever. Yun lang naman po yung punto ko du’n.
“Again, it’s nothing personal. To me, tungkol ito sa trabaho. Kung paano yung interpretasyon nila dun, hindi ko na po mako-control yun,” paliwanag ni Vico.
Parehong tumatakbo sa pagka-mayor ng Pasig sina Vico at Bernardo ngayong May, 2022 elections.
Kasalukuyang nasa unang termino bilang alkalde ng Pasig City si Vico habang nasa ikatlo at huling termino naman bilang bise alkalde si Bernardo.
https://bandera.inquirer.net/295864/bossing-member-ng-fans-club-ni-vico-pwede-kang-magpatakbo-ng-gobyerno-na-hindi-nangungurakot
https://bandera.inquirer.net/296392/jayke-joson-sinampahan-ng-cyberlibel-si-annabelle-rama-hindi-ka-rin-namin-aatrasan-doon
https://bandera.inquirer.net/288523/youtube-vloggers-na-nang-iintriga-kina-sharon-at-kiko-sinampahan-na-ng-reklamo