Pooh, Anton Diva 20 years nang mag-BFF; gamit na gamit sina Ogie at Regine

Pooh at Anton Diva

Pooh at Anton Diva

KUNG may dalawang stand-up comedian na napanatili nang bonggang-bongga ang kanilang napakagandang samahan sa loob ng mahabang panahon, yan ang walang iba kundi sina Pooh at Anton Diva.

Imagine, dalawang dekada na ngayon ang itinatakbo ng kanilang friendship and going strong pa rin until now.

Nagsimula ang pagkakaibigan nina Anton at Pooh 20 years ago nang magkasama sa pinagtatrabahuang comedy bar at mula nga noon ay parang tunay na magkapatid na ang naging turingan nila.

Naichika ng dalawang stand-up comedian sa isang episode ng “Magandang Buhay” kung paano nag-start ang kanilang samahan noong huling bahagi ng dekada ’90.

Pagbabahagi ni Pooh, “Siguro sa aming dalawa, ako ang chumichika na talagang matagal, siya naman ang tagakanta. Tapos pagsasamahin namin ‘yon kaya nag-click ang tandem namin.”

“We compliment each other. Kasi minsan sa mga tandem, sa mga performer, ‘yung performance sa stage maganda makita nila ‘yung wala sa akin ay nasa kasama ko,” ang chika naman ni Anton na nakilala bilang impersonator ni Regine Velasquez.


Isa raw sa mga bentang-bentang  materyal na ginagamit nila kapag meron silang gig ay ang panggagaya nila sa mag-asawang Regine Velasquez at Ogie Alcasid.

Kaya naman nang kantahin nila ang “Hanggang Ngayon” ng Kapamilya couple ay talaga namang tawa nang tawa ang Asia’s Songbird lalo na nang gayahin ni Pooh ang style ng pagkanta ni Ogie.

Kuwento pa ni Pooh, napakalaki ng utang na loob niya kay Anton Diva dahil palagi siya nitong isinasama noon sa mga raket. In fact, nakarating din siya sa iba’t ibang bahagi ng mundo nang dahil sa tandem nila ni Anton.

At in fairness ha, walang naramdamang inggit o insecurity si Anton nang sumikat na nang bongga lalo na nang magsimula na itong lumabas sa mga programa ng ABS-CBN.

Sinabi rin ng isa sa pinakasikat na impersonator ni Regine na ganito rin ang naramdaman niya nang umalagwa ang career ng isa pa niyang BFF, ang Phenomenal Box-office star na si Vice Ganda.

“I believe that they deserve it. I’ve seen them work hard for it. At nakita ko naman kung gaano sila kahuhusay.

“I am just happy for what they have achieved kasi pinagpaguran, pinagsikapan at pinaghirapan nila ‘yon. Kaya walang reason at all para mainggit or ma-insecure,” sey ni Anton.

Sa isang bahagi ng programa, nagbigay ng mensahe sina Anton at Pooh para sa isa’t isa.

“Ako, nagpapasalamat ako kay bessy (Pooh). Alam mo may times na akala mo nakakalimutan ka ng mga malalapit mong kaibigan, pero na-realize ko na hindi.

“Siguro bumubuwelo at saka naghahanap ng perfect timing din. Guaranteed na when you need help ay nandiyan sila.

“Salamat kasi ngayon ay nagbabalik ang live entertainment, mga comedy bar. Hindi lang ako ang talagang witness sa pagtulong niya na bigyan niya ng trabaho.

“Napakarami niyang tinutulungan na mga nawalan ng trabahong stand-up comedians and nagpapasalamat, pasalamat talaga, sobra.

“I pray that you will be bless with good health pa rin talaga para marami ka pang matulungan, alam mo na. Napakabuti mo, good friend, good son,” ang message ni Anton para sa kaibigan.

Tugon naman ni Pooh kay Anton, “Basta nandito ako at kaya ko, maasahan mo nandiyan lang ako lagi.”

https://bandera.inquirer.net/292173/pooh-keri-lang-mawalan-ng-dyowa-wag-lang-ang-mga-mahal-sa-buhay

https://bandera.inquirer.net/279679/maja-tinawag-si-pooh-na-manyak
https://bandera.inquirer.net/279744/pooh-ikinumpara-sa-poqui-poqui-si-rayver-naka-boxers-lang-kasi-kami-lahat-tapos-pagyakap-niya-sa-akin

Read more...