Ana Jalandoni pinagsusuntok, pinagsasampal daw: ‘Basag talaga yung mukha niya as in, buong katawan’

Kit Thompson at Ana Jalandoni

Kit Thompson at Ana Jalandoni

“SINAMPAL daw muna siya..suntok, suntok, sampal…sampal sa ulo,” ang bahagi ng pahayag ng kapatid ng aktres na si Ana Jalandoni tungkol sa ginawang panggugulpi umano ni Kit Thomson sa dalaga.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng mga operatiba ng Tagaytay City Police, posibleng selos ang dahilan ng pananakit daw ni Kit sa kanyang girfriend.

Mabilis na na-rescue ng pulisya ang sexy star matapos makatanggap ng tawag kahapon ng madaling-araw, March 18 tungkol sa isang babaeng humihingi ng saklolo dahil nga binugbog daw ito ng kanyang kasamang lalaki.

At nang magsagawa na ng rescue mission ang mga miyembro ng Tagaytay Police, nalamang sina Ana at Kit nga ang naka-check-in sa Amega Hotel sa Silang Junction South, Tagaytay City kung saan naganap ang insidente.

Ayon sa pahayag ni Tagaytay Police Chief Lt. Col. Rolando Baula, agad na dinala si Ana sa Tagaytay Medical Center habang inaresto at ikinulong naman si Kit sa Tagaytay Police station para sa kaukulang imbestigasyon.

Kasunod nito, nag-post din si Ana ng cryptic message sa Facebook hinggil sa nangyari sa kanya. Aniya, “When you love someone you will never ever harm them.

“Minahal mo ba talaga?

“This is me saying, you all should be careful out there. I can’t reply to all of you right now but thank you for checking up on me.

“I will release a statement soon.”

Samantala, inihayag din ni Lt. Col. Rolando Baula, na sumailalim na sa inquest si Kit dakong 5.p.m. kahapon, Marso 18 kasabay ng pagsasampa ng reklamong paglabag sa Section 5A ng Republic Act 9262 o Anti-Violence against Women and their Children Act.

Base sa isinagawa nilang inisyal na pagsisiyasat, “Pareho silang nakainom na. So, para bang nakakaramdam na yung babae ng di maayos, kaya tinawagan niya yung friend niya.

“Kaso nga lang, yung pagtawag niya sa friend niya ay poor signal. Kaya umakyat siya doon sa third level ng hallway ng hotel,” sabi ng opisyal sa panayam ng media.


Dagdag pa niya, nakatulog si Ana sa hallway at nang makita ni Kit ay binuhat agad ang dalaga at bumalik na sa kanilang hotel room, “Du’n na nag-start yung panggugulpi.”

Dito na nga sinabi ng opisyal na isa sa iniimbestigahan nila ay ang anggulo ng selos matapos umanong magkaroon ng pagtatalo ang magkarelasyon.

“Base sa imbestigasyon meron siyang bruises sa mukha, tapos inuntog pa raw ang ulo niya seven times… nakakaramdam siya ng dizziness at times,” sabi pa ng police official na nagsabing bukod sa alak, wala nang iba pang uri ngvsubstance na na-recover sa kuwarto nina Kit at Ana.

Samantala, sa isang panayam naman sa kapatid ni Ana na si Marie Jalandoni, sinabi nitong matindi talaga ang nangyari sa aktres.

“Grabe, as in grabe talaga. Iba yung mukha niya talaga, wala siyang mata, dalawa, kulay green, kulay black. Basag talaga yung mukha niya as in, buong katawan,” pahayag ni Marie.

“Sabi niya, sinampal muna raw siya, sampal… then sampal, suntok, suntok, sampal, sampal sa ulo. Kaya yung mukha niya ngayon sobrang namamaga, as in sobra talaga,” ang mangiyak-ngiyak na sabi pa ng kapatid ni Ana.

Dugtong niyang sabi, hindi na nabanggit sa kanya ng kapatid ang tunay na dahilan ng pangyayari dahil naputol na ang kanilang pag-uusap. Hiling niya na sana’y managot ang taong nambugbog sa kapatid.

Nauna rito naglabas ng official statement ang talent management ni Kit na Cornerstone. Narito ang nakasaad sa pahayag, “We have just been informed that one of our artists, Mr. Kit Thompson, was allegedly involved in an incident that transpired last night in Tagaytay City, Cavite.

“As we have yet to receive a formal report regarding the alleged incident, we could not give a response nor comment on the matter.”

Ilang oras lamang ang nakalipas, muling nag-issue ng statement ang Cornerstone, “We take this opportunity to clarify that our earlier statement was issued with no knowledge of any specific details as we were in receipt only of general allegations. Neither were we privy to any photos of the incident.

“In this delicate situation, we subscribe to the sound discretion of law enforcement and allow the wheels of justice to take its course.”

Habang sinusulat ang artikulong ito ay hindi pa rin naglalabas ng pahayag si Kit o ang kanyang abogado hinggil sa isyu. Bukas ang BANDERA sa magiging paliwanag at depensa ng aktor.

https://bandera.inquirer.net/308381/ana-jalandoni-ni-rescue-ng-mga-otoridad-sa-isang-hotel-sa-tagaytay-kit-thompson-dinala-sa-presinto-para-kwestiyunin
https://bandera.inquirer.net/308431/kit-thompson-pansamantalang-nakakulong-dahil-sa-diumanoy-pananakit-kay-ana-jalandoni-gabriela-nagbigay-suporta-sa-aktres

https://bandera.inquirer.net/300769/kit-thompson-may-padyowa-reveal-kinantiyawan-ng-mga-kaibigan

Read more...