“GINALINGAN ko po nang sobra! Ginawa ko po ‘yung best ko!” Ito ang naging pahayag ni Herlene “Hipon Girl” Budol patungkol sa kauna-unahan niyang digital series at siya pa ang bida.
Abot-langit ang pasasalamat ng TV host-comedienne dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay siya na ang lead star sa digital romantic comedy series na “Ang Babae sa Likod ng Face Mask.”
Makakatambal niya rito ang Kapamilya hunk actor na si Kit Thompson na super excited na rin na mapanood ng publiko ang kanilang pinaghirapang proyekto.
Sa virtual mediacon ng “Ang Babae sa Likod ng Face Mask” inamin ni Herlene na hindi siya nagdalawang-isip na tanggapin ang project dahil pagkabasa pa lamang niya ng script ay na-in love na siya sa kuwento nito.
“Siyempre po, wala akong karapatang tumanggi. Siyempre, blessings ‘yan. Tuwang-tuwa po ako na na-bless po ako na maging bida sa isang series.
“Sobrang masayang-masaya po ako sa nangyayari kaya ginalingan ko po nang sobra. Ginawa ko po ‘yung best ko,” ang chika naman ni Herlene sa panayam ng GMA.
Ang kuwento at konsepto ng “Ang Babae sa Likod ng Face Mask” ay mula sa retail company na Puregold at meron itong 13 episode. Ito’y may touch ng classic movie na “Blusang Itim” ni Snooky Serna na ipinalabas noong dekada 80.
Ito’y mula naman sa produksyon ng award-winning filmmaker na si Chris Cahilig, at sa direksyon ng award-winning director na si Victor Villanueva.
In fairness, puring-puri ng buong production ang acting dito ni Herlene na kahit daw baguhan pa lamang sa larangan ng pag-arte ay parang beterano na raw sa showbiz.
“Humingi rin po ako ng tulong at saka ayoko ko pong magalit sila sa ‘kin on set kaya talagang ginagalingan ko sa lahat ng ginagawa ko.
“Humihingi ako ng mga payo talaga bago po ako sumalang. Nagkakabisa po ako ng script, diyan po ako mahina talaga. Napag-aaralan naman po lahat ng bagay kaya kung gusto mo po, may paraan,” sey pa ng dalaga.
Sa kuwento, gagampanan ni Herlene ang karakter ni Malta, isang 25-year-old cashier na ginagawa ang lahat para sa kanyang inang si Madam Baby, na ginagampanan ni Mickey Ferriols.
Makikilala ni Malta ang gwapo ngunit malas sa pag-ibig na si Sieg na mala-love at first sight sa kanya kahit naka-face mask pa siya. Ayon kay Herlene, nais nilang ibandera sa publiko ang pagkakaroon ng kumpiyansa sa sarili at kung paano labanan ang insecurities.
Samantala, tuwang-tuwa naman si Kit nang mapanood niya ang trailer ng kanilang serye, “Grabe, ang ganda! First time ko rin siyang nakita. Pinapanood ko siya, nakangiti lang ako the whole way.
“Actually, medyo naluha ako nu’ng pinapanood ko. Sobrang tuwa ko dahil ang ganda talaga, kakaiba!
“It’s so fresh to see this, you know, and I just wanna thank siyempre my directors, si Direk Vic and Direk Chris. Grabe! Di ko na-expect na ganito pala!” pag-amin ni Kit.
Kasama rin sa nasabing online series sina Kiray Celis, VJ Mendoza at Hasna Cabral. Libre itong mapapanood every Saturday, simula sa March 26, 6 p.m. sa official YouTube channel ng Puregold.
https://bandera.inquirer.net/304563/herlene-budol-hindi-kumita-sa-mga-naunang-vlogs-nakakalungkot-lang-isipin-kasi-kahit-kani-kanino-ako-nagtiwala
https://bandera.inquirer.net/296601/herlene-budol-bawal-pang-makipag-kissing-scene-hindi-pa-ako-masyadong-marunong-mag-toothbrush
https://bandera.inquirer.net/304863/ryan-bang-tinuruan-ng-tambay-starter-pack-ni-herlene-budol-gusto-ko-pag-ibig