SINAGOT ng Palasyo ang mga patama ni dating pangulong Fidel Ramos kay Pangulong Aquino ukol sa krisis sa Zamboanga City at muling sinupalpal si dating senador Kit Tatad matapos itong manindigan na nakipagpulong si Aquino sa umano’y utak ng P10 bilyon pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles bago pa ito sumuko noong Agosto 28.
Sa kanyang briefing, sinabi ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na pagpasok pa lamang ng mga miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa Zamboanga ay may mga hawak na silang mga bihag bilang sagot sa sinabi ni Ramos na mahina ang paghawak ng gobyerno sa kaguluhan sa Mindanao.
“So ‘yung negotiation—kung ano ‘yung negotiation, we will just keep it… May mga nakikipag-usap, sila ay na-authorize ng ating Pangulo,” aniya.
Aniya, hindi natuloy ang ceasefire sa pagitan ng militar at MNLF dahil hindi katanggap-tanggap ang hinihinging kondisyon ni MNLF chairman Nur Misuari.
Samantala, iginiit niya na na nais lamang ni Tatad ng pablisidad. “Stop lying,” sabi ni Lacierda. Idinagdag pa ni Lacierda na walang nangyaring pagpupulong sa pagitan nina Aquino at Napoles, na ayon kay Tatad ay umabot pa ng anim na oras.
“Baka ‘yung source niya ay si Mang Jeff—‘yung fishball (vendor) diyan sa labas ng Palasyo,” dagdag niya.