Claudine minalas uli, kinasuhan ng pagnanakaw ng dating alalay

PANIBAGONG iskandalo na naman ang hinaharap ngayon ni Claudine Barretto, ito’y matapos nga siyang sampahan ng kasong pagnanakaw ng dati niyang personal assistant na ipinakulong niya noong May, 2013 dahil din sa kasong pagnanakaw.

Ayon sa complaint affidavit ni Dessa Cadelario Patilan, na isinumite niya sa Office of the City Prosecutor ng Marikina noong Sept. 11, inireklamo niya ang dating amo ng paglabag sa Article 308 ng Revised Penal Code of the Philippines o Theft.

Si Dessa ay dating alalay ni Claudine na nakulong nga last May, sa reklamong pagnanakaw diumano ng kanyang mga alahas at mga branded na gamit na nagkakahalaga ng P8.5 million.

Sa  salaysay ni Dessa, ninakawan diumano siya ni Claudine ng kanyang mga gamit na may kabuuang halaga na P13,550. Naganap daw ang insidente nang puntahan siya ng aktres sa kanyang kuwarto gabi ng May 10, 2013.

Kasama raw ni Claudine nu’ng mga oras na ‘yun sina Michelle Baretto, Ma. Luisa Ponce Becher, PO3 Pelito Obligacion, PO3 Ibrahim Abdul at PO1 Wilfredo Cahayag.

Ayon pa sa nagrereklamo, sa utos ng mga pulis at sa harap ni Claudine, inilatag niya ang kanyang mga gamit sa isang mahabang mesa sa pool area ng bahay ng aktres.

Dito na raw kinuha ni Claudine ang mga personal na gamit ni Dessa. Binigyan lang daw siya ng P700 ng amo para raw panggastos niya. Takot na takot daw ang alalay habang nangyayari ang insidente.

Humihingi ng mahigit sa P100,000 danyos ang alalay. Habang sinusulat namin ang balitang ito ay wala pang inilalabas na official statement ang kampo ni Claudine, sinikap din naming kontakin ang kanyang abogadong si Atty. Ferdinand Topacio ngunit wala pa kaming natatanggap na sagot.

Pwede rin kasing gusto lang maghiganti ng dating alalay kay Claudine, di ba? Kaya huwag muna tayong mag-conclude.

Read more...