Alex ibinuking na type ng asawa niyang si Mikee si Yassi: Buwisit nga ako sa ‘yo, e!

Sumugod si Alex Gonazaga sa bahay ni Yassi Pressman

Yassi Pressman at Alex Gonzaga

GRABE! Ang ganda-ganda pala talaga ng bahay ni Yassi Pressman!

Napanood namin ang house raid vlog ni Alex Gonzaga na in-upload niya kahapon sa YouTube na ngayon ay may mahigit 1.4 million views and counting.

Inamin ng dating leading lady ni Coco Martin sa “FPJ’s Ang Probinsyano” na first time niyang ipakita ang bahay niya kaya abut-abot ang pasasalamat ni Alex dahil pinagbigyan siya ng kaibigan na recently lang niya naging close matapos magkita sa The Farm at San Benito sa Lipa, Batangas.

Sa bawa’t paglalarawan ni Yassi sa bahay niya ay may nakakatawang komento si Alex kaya naman walang ginawa ang una kundi tumawa.

Gustung-gusto namin ang movie room ng bahay ni Yassi kung saan kasama nabanggit niya na ang kapatid na si Issa Pressman ang gumawa at nag-design ng karamihan sa kanyang mga gamit kaya ang sabi ni Alex, “Lahat si Issa? Kawawa naman siya, pagod na pagod.”

Pakiwari namin ay itong movie room din ang paborito ni Alex dahil nagbiro siyang uupahan niya ito, “Puwede bang rentahan ko ito, mga three hours lang kami ni Mikee (Morada, asawa niya). Tapos maghanda ka na lang ng pansit,” biro pa ng actress-vlogger.

At dahil isa-isang inilalarawan ni Yassi ang mga throw pillow na gawa ng sister niya, ang reaksyon ni Alex, “Ang hirap pala ng magkapatid na ito puro may meaning.”

Pag gustong mag-relax ng magkapatid na Yassi at Issa ay doon lang sila sa movie room at nakahiga o chill-chill lang. “Ang ganda ng tambayan na ito, sa totoo lang,” sambit ni Alex sabay higa sa malambot na mga unan at nagpagulung-gulong, “Ang sarap dito tapos kami ni Mikee magkakaganunan lang.”

Kapag hindi feel ng magkapatid na  manood ay puwede rin daw makinig lang sila ng music.

Bumilib pang lalo si Alex nang pasukin nila ang isang kuwarto na punumpuno ng paintings at iba pang stuff na hindi pa nailalabas para i-display kaya nag-request ang vlogger-host na bigyan din siya, pero sabi ni Yassi dapat bumili siya.

Isa pang ikinaloka ni Alex ay ang powder-comfort room na nasa labas ng bahay na puro salamin, “Explain mo sa akin ito bukas na bukas na pag naglibag ka ng mga…. (hindi naituloy).”

Sabay sabi ni Yassi, “Alexa privacy please.” At ang malinaw na salamin ay naging frost na. Napailing si Alex sabay sabing, “Bumibilib ako sa mga ipinakikita nitong si Kulot.”


Hirit pa ni Alex, kapag nagkakalkal ka ng singit mo tapos biglang nagbukas ‘yan?”

Ilang segundo lang kasi ay nag-turn off na ang privacy ng nasabing powder-comfort room.

Ang ganda rin ng pavilion na dinisenyo rin ng magkapatid na Pressman na ikinabilib din ng vlogger.

Na-enjoy pa ni Alex ang poolside kung saan naroon ang mini bar at kinuha nito ang dalawang bote ng wine na sinabayan ng sayaw na kunwari ay bartender siya.

Naloloka si Yassi sa mga pinaggagawa ng kaibigan sabay tanong, “Oh my God! Buti hindi kayo nag-aaway ni Mikee sa mga ginagawa mo?”

At dito na umamin si Alex na type pala ni Mikee si Yassi. “Hindi nga! Buwisit nga ako sa ‘yo, e!” kaswal nitong simula.

“Bakit?” tanong ni Yassi.

“Nagkita kami nito sa The Farm.  Hindi ko alam kung anong ginawa nito (sabay turo kay Yassi). Sabi ni Mikee bigla out of the blue, ‘pag hindi kita jowa at single ako, magkaka-crush ako kay Yassi.’”

Natawa si Yassi at sabay hampas kay Alex sa braso, “Ay…pa-cute mo ah?” reaksyon ni Mrs. Morada.

Katwiran naman ni Yassi, “Pero siya mismo nagsabi sa ’yo, Mikee’s choice.”

At ang dahilan daw kung bakit type ng asawa ni Alex si Yassi, “Kasi ang cool daw ng personality ni Yassi, hindi siya showbiz, hindi siya…ano.”

Nagpasalamat naman si Yassi kay Mikee sabay sabing, “Pinagpapawisan ako.”

“Kasasabi ko lang na cool ka, pinagpapawisan ka na,” reaksyon ni Alex.

Pumunta rin sila sa kitchen at talagang organisado ang lahat ng gamit pati mga plato at utensils dahil binuksan ni Alex ang malaking cabinet.

“Uy, in fairness proud ako sa ‘yo, domesticated ka pala,” sabi nito sa may-ari ng bahay.

Hanggang sa magpaalam na si Alex pagkatapos niyang makita ang kabuuan ng bahay, “Netizens alam n’yo naman na bawat house tour na ginagawa ko ay binibigyan ko ng business o proteksyon.”

Sabay labas ng standee ni Coco bilang si Cardo Dalisay sa “Ang Probinsyan” sabay tawag sa dalaga, “Yassi, gusto ko lang na para safe ka rito para lagi kang may proteksyon iiwan ko na sa ’yo ‘to, si Cardo,” sambit ni Alex.

“Ano ‘to?” natatawang sagot nito nang makita ang dating leading man. “Thank you, I appreciate it,” sambit ng dalaga.

“Pakainin mo mahilig siya ng mga yummy foods, ha!” sabay alis na ni Alex.

https://bandera.inquirer.net/289479/yassi-ipinatatayo-na-ang-dream-house-dimples-ibinandera-ang-kaseksihan

https://bandera.inquirer.net/293782/rr-sumabak-sa-challenge-ni-aiko-first-time-makakain-ng-sinawsaw-sa-patis
https://bandera.inquirer.net/282667/julia-umamin-kay-gerald-gusto-nang-magkapamilya-next-year

Read more...