“SUPERHERO” ang turing kay Alfred Vargas ng kanyang pamilya at mga kaibigan dahil sa mga taglay niyang katangian bilang tao at public servant.
Mismong kapatid niyang si PM Vargas ang nagsabi na ibang klaseng kapatid, kaibigan at leader ang kanyang kuya bukod nga sa pagiging magaling na aktor nito.
Very close sina Alfred at PM dahil noong bata lamang sila ay iisa lang ang kuwarto nila. Ayon sa congressional aspirant for District 5 ng QC, two years lang ang pagitan nila ni Alfred.
“Dalawang taon lang ang pagitan namin kaya medyo magka-henerasyon. Iisa lang ang kwarto at pareho kami ng kaibigan at kabarkada,” kuwento ni PM patungkol sa kapatid.
Aniya pa, “Kapag kailangan ng kaibigan nagiging kaibigan si Kuya. Kung kailangan mo ng tatay nagiging tatay siya. Kung nanay, nagiging nanay din. Kaya talagang malaking bagay ‘yun na mayroon kang kapatid na pwedeng maging tatay, nanay, at kaibigan.”
Iginiit pa ni PM na proud siya kay Alfred, “Proud ako sa ginagawa naming trabaho (pagtulong sa kapwa) ng kapatid ko. Ang sarap din na may ka-batch ka kasama sa mga importanteng ganap sa buhay.”
Inamin din ni PM na kung minsan ay istrikto rin ang kuya niya na inamin naman ni Alfred, “Totoo, minsan pinagagalitan ko siya noon pero ngayon usap-usap na lang. Nadadala naman sa tamang pag-uusap.”
Pero hindi naman pasaway si PM, kuwento ni Alfred, “Laking-Sta Maria, Bulacan kami na nag-aral sa Ateneo at every weekends at childhood lagi kaming magkasama. Naalala ko pa noon kapag naglalaro kami ng taguan, hirap si PM kasi may kalakihan siya. Pero kapag ako siyempre ang taya, hindi ko siya pino-pong. Ha-hahaha!”
Sinabi pa ni Alfred na mahalaga ang komunikasyon at pakikinig na siyang pinapraktis nilang mag-utol, “Nakikinig kami sa isa’t isa ‘yun ang importante. Kaya siguro maganda ang samahan namin.”
Samantala, hindi naman kinakabahan si PM na sikat na personalidad ang makakabangga niya sa district 5. Aniya, “Ang turo lang sa akin, gawin lang ang dapat gawin. Iba na ang anahon ngayon, na ang mga botante namimili talaga ng dapat nilang iboto.
“And with the guidance of Mayor Joy Belmonte at ng aking Kuya Alfred alam kong magagawa ko nang tama ang aking trabaho bilang mambabatas kapag nahalal ako.
“Gumawa ng batas ang pinakatrabaho ko at makatulong. And welcome naman lahat ng gustong makapaglingkod,” giit pa ng bunsong kapatid ni Alfred.
Sabi naman Alfred, “Very proud ako sa brother ko and ‘yung nagsasabi na masipag ako, mas masipag pa siya sa akin. ‘Yung nagsasabing mahusay ako, mas mahusay siya at sa nagsasabing matulungin ako, mas matulungin siya.”
https://bandera.inquirer.net/290951/alfred-vargas-hindi-lalayasan-ang-showbiz-acting-will-always-be-my-passion-its-my-first-love-pero
https://bandera.inquirer.net/302607/alfred-hindi-rin-nakaligtas-sa-bangis-ng-covid-19-umaming-napapraning-para-sa-pamilya
https://bandera.inquirer.net/295611/misis-ni-alfred-laging-napagkakamalang-si-marian-ngiting-artista-program-tuloy-pa-rin