Tatlong buwan mula ngayon, hahagupit ang mas mahirap na pamumuhay hatid ng world oil crisis dulot ng Western embargo ng Russian oil at energy products. Ang Russia ang ikatlong pinakamalaking oil producer ng mundo at ang kawalan ng suplay nito ay inaasahang magdudulot ng presyo mula $200 hanggang $300 bawat bariles.
Nitong Enero, ang presyo ng gasolina ay P38/L lamang samantalang ang diesel- P27/L at kerosene o gaas- P36/L. Tumindi sa mga ispekulasyon sa kulang na produksyon ng OPEC, at pagkawala ng dalawang oil fields sa Libya sa mga armadong grupo.
Kung matutuloy ang panibagong pagtaas sa Martes, magiging P80/L ang gasolina, diesel-P68/L at kerosene- P70.80/L . Ito’y derektang hagupit ng Russia versus Ukraine. At dahil nagtatagal ang hidwaan, nakikita ng ating mga government experts na aakyat sa $180 hanggang $190/barrel ang presyo ng Dubai MOPS dito pagsapit ng Hunyo. Malaki din ang posibilidad na lumampas ito kapag lumala ang sitwasyon sa Ukraine.
Ang unang prediksyon ng gobyerno ay aabot lamang ang presyo ng gasolina sa P96/L, ang diesel ay P80.75/L at ang kerosene ay P83/L tatlong buwan mula ngayon. Sa “worst case scenario” , ang presyo ng gasolina ay maaring sumagad sa P110 bawat litro.
Dahil dito, inaasahang sa Abril, papalo ang “inflation” sa higit 5 percent dahil sa “second round effects” ng oil prices sa pasahe, “transport costs” ng mga produkto, presyo ng kuryente, pagkain lalo na ang mga isda at iba pang basic commodities. Tataas din ang presyo ng tinapay dahil ang Russia at Ukraine ang pangunahing producers ng “trigo” at mais” sa mundo.
Ngayon pa lamang pinag-uusapan nang dagdagan ang minimum wage na P537 na ang “purchasing power” ngayon ay P464 na lamang. Gusto ng TUCP na gawin itong P750, pero tumatawad naman ang ECOP at hayaan daw ang gobyerno na magdesisyon sa mga “regional wage boards”. Pero sa aking pananaw, ang kailangan ay “national wage increase” dahil lahat tayo ay apektado. Ingatan din ang masyadong mataas na dagdag-sahod para iwasan ang “wage spiral” na malulugi naman ang mga employers na di pa nakakabangon sa COVID-19 pandemic. Marahil P50 across the board wage increase ay posibleng makatulong.
Merong mga panukalang magdeklara ang Malakanyang ng “state of national economic emergency”. Ang mga pulitiko ay iisa ang panawagan, tanggalin muna ang excise taxes na P10/liter sa gasolina at P6 sa diesel. Meron namang nagsasabi, na alisin din ang P12 percent VAT sa mga produktong langis. Kailangan nang magpatawag si Presidente Duterte ng “special session” ng Kongreso upang isabatas ang mga panukalang ito.
Sa aking pananaw, mas importanteng pagpasyahan dito ang “windfall” o kinitang pera ng gobyerno sa 12 percent VAT mula sa P38/L noong Enero na aakyat ng P80/L sa gasolina pa lamang . Ibig sabihin, bukod sa excise tax na P10/L sa gasoline, merong nakukuha pang P5/L ang gobyerno sa 12 percent VAT. Ayon sa record, ang nakukuhang VAT sa gasolina ay P337B, sa diesel at P155B at P10B lamang sa kerosene. Lahat ito’y nagpapakita na merong sapat na pondo ang gobyerno upang ibalik naman sa mamamayan ang “windfall” na kinita sa biglaang paglipad ng presyo ng langis.
At dito, tama ang direksyong magbigay ng “subsidies” sa mga transport groups, kasama na ang mga tricycle drivers at pati delivery riders, mangingisda, at magsasaka. Dapat ding tumulong at magbibigayng malalaking diskwento ang mga “oil companies” na malalaki rin ang nakuhang “windfall”.
Pero ang mas dapat bantayan ay ang mga tiwaling negosyante na naman na magsasamantala sa mga presyo ng bilihin. Mga taong nagmamainobra ng “supply and demand” sa mga palengke. Kasama na rin ang mga malalaking suppliers ng kuryente na walang ginawa kundi mag-brownout para tumaas ang singil. Itigil na ang kanilang kasakiman.
Ang matinding economic crisis ng bansa ay magaganap sa panahon ng eleksyon, Marso, Abril at Mayo. Kayat dito masusubok kung sinong presidential candidate ang may kakayahang itawid tayo sa krisis na ito. Sa panahong halos P100 peso bawat litro ang gasoline at umiiyak ang tao sa presyo ng mga bilihin, kailangan natin ng bagong lider na may tunay na malasakit sa taumbayan, may kaalaman sa mga problema ng bayan at mabilisang magpapatupad ng mga solusyon.