Cathy Molina, Pepe Herrera, Pia Wurtzbach at Piolo Pascual
INAMIN ng box-office director na si Cathy Garcia Molina na may isang “extra challenge” para sa kanya habang ginagawa ang bagong comedy show ng ABS-CBN, ang “My Papa Pi.”
Tinawag na “sweetcom” ng production dahil sa pinagsamang pa-sweet at comedy na konsepto nito, ito’y pinagbibidahan nga nina Piolo Pascual, Pepe Herrera at Pia Wurtzbach.
Sa panayam kay Direk Cathy, proud na proud siya sa lahat ng artista niya sa programa kasabay ng pag-amin na totoong si Angelica Panganiban ang unang katambal ni Piolo noong nasa pre-production pa lamang sila.
Ngunit bigla ngang nagkaroon ng pagbabago at ipinalit si Pia na kino-consider naman ni Direk Cathy na “blessing in disguise.”
“Lahat ng cast na ’to handpicked. Not because they’re my friends, but because they’re good. And most of all, mababait silang artista.
“Kasi siyempre napakabait ng mga bida ko. Dapat rin lang ang babait din ng supporting cast. Ako lang ang puwedeng maldita rito. Ha-hahaha!
“When it was originally offered to me, yes po (si Angelica ang lead actress). But then nagkaroon ng bagong project si Angelica kaya very thankful naman kami kay Queen P, kay mama P na kami’y pinagbigyan niya sa schedule,” sabi pa ng Kapamilya director.
Ayon pa sa direktor, bukod daw sa bonggang set na itinayo sa loob ng ABS-CBN compound, puring-puri rin niya ang cast members ng “My Papa Pi” dahil pinadadali raw nito ang kanyang trabaho.
“Well actually sa set ko naman, bawal talaga malungkot. Normally naman talaga. Merong blessing talaga na dapat masaya lagi. kaya lang itong set namin extra saya.
“Dala na rin siguro na sweetcom siya, so alam namin lahat na kami ay dapat magagaan lang. Patawa lang lahat. Masaya. Extra saya.
“Ipinagawa yung set kasi first and foremost, for the safety of everyone. Alam naman natin na kahit ako, hindi naman ako mag-shu-shoot outside kung hindi rin lang safe. I have a family to protect also. So does everyone. So yun ang very main reason why,” pahayag ni Cathy Molina.
Pagpapatuloy niya, “Pangalawa, para hindi rin kami nakaabala. Kasi normally pag nag-shu-shooting ka, naaabala mo yung kalye. So dito perfect kasi hindi namin sila maaabala. Safe a ng lahat. Everybody happy.”
Samantala, nagkuwento rin siya tungkol kina Piolo at Pia na sa kauna-unahan ngang pagkakataon ay magtatambal sa isang project.
“Sobrang okay na okay sila. Ganu’n kapag magagaling na artista at very open, magkakaroon ng chemistry. Swak. Actually, I will not call it pagbabago. Actually ano siya, surprise.
“Maraming bagay akong nakikitang kaya pala nilang gawin dito. Kahit sila nasusurpresa sa sarili nila. Hindi nila alam kaya nila gawin at nagagawa nila. Ganun ata talaga pag masaya yung set at lahat loko-loko,” aniya pa.
Kasunod nito, ibinuking din ni Direk Cathy kung ano talaga ang kakaibang hamon na hinarap niya nang gawin nila ang “sweetcom”.
“Actually challenge patahimikin sila. Ha-hahaha! Napakaiingay kapag nagsama-sama kasi sobra silang close. Masayang-masaya yung set. Everybody’s game. Sabi nga ni PJ, kapag hindi ka naging game, KJ (killjoy) ang dating mo. So sakay ka na lang, ‘di ba?” pahayag pa ni Direk Cathy.
Nagsimula na ang “My Papa Pi” last Saturday, 7 p.m. Kapamilya Channel at iba pang platforms ng ABS-CBN. Kasama rin dito sina Joross Gamboa, Alora Sasam, Hyubs Azarcon, Katya Santos, Madam Inutz, Anthony Jennings at Daniela Stranner.
https://bandera.inquirer.net/307244/piolo-bilib-na-bilib-kay-pia-miss-universe-siya-pero-sobrang-game-niya-napakasarap-niyang-kaeksena
https://bandera.inquirer.net/305565/true-ba-angelica-biglang-nagkasakit-kaya-pinalitan-ni-pia-sa-my-papa-pi-ni-piolo
https://bandera.inquirer.net/299817/anak-ni-cathy-molina-pinapalo-ng-yaya-imbes-na-magalit-ako-sa-kanya-nagalit-ako-sa-sarili-ko