Cristy Fermin nag-resign na sa online show nila ni Lolit Solis: Hindi namin pahihirapan ang aming sarili…

Lolit Solis at Cristy Fermin

FOLLOW-UP ito sa nasulat namin dito sa BANDERA kahapon na hindi na kasama si Nanay Cristy Fermin sa online show kasama sina Mr. Fu at Manay Lolit Solis na “Take It Per Minute…Me Ganu’n”.

Base sa napanood namin sa replay ng show sa YouTube channel ay nagkakabiruang huling episode na nila iyon pero biglang binawi ng line producer nitong si Salve Asis kaya isa rin kami sa natuwa dahil marami rin kaming nakukuhang balita sa kanila. 

Pero tulad nga ng naibalita namin tungkol sa post ni Manay Lolit sa kanyang Instagram account na huling araw na pala talaga ni Nanay Cristy at sila na lang ni Mr. Fu ang magtutuloy ng show.
May iba na raw gagawin ang batikang manunulat at host na ngayong araw lang din kinumpirma ni Nanay Cristy.

Binanggit niya ang mga nangyari noong Martes, March 2 kung ano ang pinagsimulan ng gulo bagay na hindi niya nagustuhan dahil sa biglaang anunsyo ng line producer na last episode na nila ang “Take It Per Minute…Me Ganon” base sa memo na ipinadala ng sales and marketing department.

Tanggap naman daw sana ni Nanay Cristy kung mag-last episode na pagkatapos ng tatlong taon dahil ganu’n naman talaga ang programa, walang kasiguraduhan lalo na ngayong pandemya, pero sana maayos itong tinalakay sa kanilang mga host.

At dahil sa pangyayaring ito ay nagbitiw na rin si ‘Nay Cristy sa diyaryong sinusulatan niya na ang editor ay ang line producer din ng show.

Base sa isinulat na paliwanag ni ‘Nay Cristy, “Naging batas na namin sa buhay na kapag hindi na kami masaya ay lumalabas na kami. Sa lahat ng aspeto ‘yon. Sa pakikipagrelasyon, sa pakikipagkaibigan, sa pakikipagtrabaho.

“Hindi namin pahihirapan ang aming sarili na magtrabaho sa isang kapaligirang hindi na namin gusto. Sa mga taong sumira na sa aming tiwala. Sa mga taong walang pagpapahalaga sa isang magandang samahan.

“Miyerkules nu’ng nakaraang linggo ay bumitiw na kami sa Take It, Per Minute… Me Gano’n na tatlong taon naming pinagsamahan nina Manay Lolit Solis at Mr. Fu.

“Sumulat na kami kay Mr. Miguel Belmonte, idinetalye namin sa nirerespeto naming boss ang mga dahilan kung bakit kinailangan na naming magpaalam sa digital show, naintindihan kami ni Sir Miguel.

“Walang kinalaman sina Manay Lolit at Mr. Fu sa pagbibitiw namin, pinanghihinayangan namin ang tatlong taon na pinagsaluhan namin na pare-pareho naming inalagaan, pero kailangan naming isuko.”

At hindi naman tuluyang mawawala sa online platform si Nanay Cristy dahil bukod sa “Cristy Ferminute” show nila ni Romel Chika ay meron na rin siyang YouTube channel, ang “Showbiz Now Na” kasama pa rin si Romel Chika at si Morly Alinio.

Base naman sa Facebook page ng kanang kamay ni ‘Nay Cristy na si Japs Gersin, “SHOWBIZ, NOW NA!”

“May You Tube Channel na po kami. Para sa mas maiinit na chika ay huwag n’yo pong kaligtaang i-like, i-share at i-subscribe ang “Showbiz, Now Na!

“Ikalembang n’yo lang po ang notification bell para malaman n’yo kapag meron na kaming bagong chika kasama ang aming mga anak-anakang chikadora na sina Morly Alinio at Romel Chika.

“Pakiabangan din po ang gagawin naming one-on-one interview sa mga personalidad na kontrobersiyal at pinag-uusapan. Ang lahat po n’yan ay matutukan n’yo sa Showbiz, Now Na!

“PS: Pls abangan ang announcement, kung kailan i-UP ang channel. Coming very, very soon!”

https://bandera.inquirer.net/307284/lolit-solis-kinumpirmang-buwag-na-ang-online-tandem-nila-ni-cristy-fermin-pupunta-siya-sa-mas-masayang-lugar

https://bandera.inquirer.net/296550/cristy-fermin-binanatan-si-nadine-magbalot-ka

https://bandera.inquirer.net/298532/billy-tinawag-ni-cristy-fermin-ng-bully-crawford-nanawagang-itigil-na-ang-lol

Read more...