Luz Fernandez
PUMANAW na ang kilalang radio talent at veteran character actress na si Luz Fernandez kahapon, March 5. Siya ay 86 years old.
Ang malungkot na balita ay unang kinumpirma ng nakababatang kapatid ni Luz na si Percie Zapata kasabay ng pasasalamat sa lahat ng nagmamahal at sumuporta sa aktres.
May ipinost din ang anak niyang lalaki si Karl tungkol sa pagkamatay ng kanyang ina, kasabay ng pagpapalit niya ng profile picture sa Facebook gamit ang litrato ng nanay niya bilang si Lola Torya, ang karakter niya sa 1980s children’s fantasy show na “Ora Engkantada.”
Wala rin itong binanggit tungkol sa rason ng pagpanaw ng ina pero nagbigay siya ng mensahe para rito, Aniya, “Mama is in a place now with no more pain.”
Nagpasalamat din siya sa isang netizen na nagkomento sa post niya ng, “Deepest sympathies for your family’s loss Te.. The whole nation also lost another amazing talent, a library of the history of Philippine tv, radio and cinema. May your beloved mom rest in peace.”
Halos pitong dekadang tumagal ang acting career ni Luz Fernandez na mas nakilala sa tawag na Lola Torya dahil sa pagiging host ng classic top-rating children’s fantasy television show na Ora Engkantada na umere noong 1986.
Bukod dito, nagmarka rin sa mga manonood ang karakter niyang Luka (Reyna ng Kadiliman) sa classic fantasy-comedy series nina Vic Sotto at Ice Seguerra na “Okay Ka Fairy Ko”.
Ayon sa ulat, nakalagak ang labi ni Luz Fernandez sa Sapphire 1 ng Loyola Memorial Chapels sa Marikina City. Nakatakda ang kanyang libing sa darating na Miyerkules, March 9.
Huling napanood ang beteranang aktres sa pelikulang “And I Thank You” noong 2019 na pinagbibidahan ng Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas.
Isa pa sa mga achievements ng veteran actress ay ang ginawa niya noong international movie na co-production venture ng LVN Studio at ng Indonesian film production na Pesari, ang “Rodrigo de Villa”.
Isa ito sa mga unang projects ni Luz Fernandez na ipinalabas noong 1952, kung saan nakasama niya sina Mario Montenegro at Delia Razon.
Ang distributor ng pelikula ay ang 20th Century Fox na sinasabing kauna-unahang in color na Indonesian film production na may dalawa pang bersiyon — sa Filipino at Bahasa na official language ng Indonesia.
Naging bahagi rin siya ng mga drama sa DZRH noong dekada 50, kung saan una niyang ginampanan ang papel ni Lola Basyang.
Napanood din siya sa mga programa ng GMA tulad ng “Pepito Manaloto”, “Amaya”, “Kambal Karibal” at marami pang iba.
Taong 2015 nang balikan niya ang pinasikat niyang karakter sa radyo na Lola Basyang sa “Tatlong Kuwento ni Lola Basyang” ng Ballet Manila.
https://bandera.inquirer.net/299382/rebelasyon-piolo-aga-parehong-naging-jowa-ni-pops
https://bandera.inquirer.net/302751/mark-umaming-love-pa-rin-si-claudine-bet-uling-manligaw-hindi-pa-naman-huli-ang-lahat
https://bandera.inquirer.net/301162/miss-world-coronation-night-tuloy-na-sa-march-2022