Zoren hindi sinusuyo si Carmina kapag nagkakatampuhan; Jessica haharapin na ang ‘fear of heights’

Zoren Legaspi at Carmina Villarroel

KUNG ang karamihan sa mga mister ay todo suyo sa kanilang mga asawa kapag nakakagawa ng kasalanan, iba naman ang style ni Zoren Legaspi kapag may tampuhan sila ni Carmina Villarroel.

Ayon sa Kapuso actor at TV host,  hindi raw uso ang suyuan sa kanila ni Carmina sa tuwing magkakaroon sila ng problema o hindi pagkakaunawaan.

Tulad ng karaniwang married couple, dumaraan din sa mga pagsubok ang Kapuso couple na isang dekada na ring nagsasama kasama ang kambal nilang anak na sina Cassy at Mavy Legaspi.

Sabi nina Zoren at Carmina, sa 10 taon nilang pagsasama as married couple, kabisado na rin nila ang ugali at mood ng isa’t isa kaya naiiwasan nilang magkaroon ng matinding away.

Kinumpirma ng Kapuso actor sa bagong vlog ni Carmina na hindi raw talaga niya sinusuyo ang asawa pagkatapos ng kanilang tampuhan. Knows daw kasi niya na hindi ito ang gustong mangyari ng asawa.

“Hindi kita sinusuyo kasi ‘di ka… you’re not the type na puwedeng suyuin.

“Kailangan mag-subside siya nang kusa, so if it’s gonna take one day, two days, a week, two weeks, one month, two months kailangan mag-subside siya nang kusa,” paliwanag ni Zoren.

“So wala kang gagawin?” agad na comment ng aktres at TV host.

Sey naman ni Zoren, kabisadung-kabisado na niya ang ugali ng kanyang misis at matagal daw  bago mawala ang tampo ng asawa kaya pinalalagpas muna niya ang  ilang oras bago gumawa ng paraan para magkaayos sila.

“Wala, kasi ‘yun ang character mo (Carmina), matagal kang mag subside,” sabi pa ng aktor kay Carmina.


* * *

Ngayong Linggo (Marso 6), samahan ang “Kapuso Mo, Jessica Soho” (KMJS) na muling tuklasin ang angking ganda ng Pilipinas sa Summer Special episode nito.

Bilang mamamahayag, sa iba’t ibang panig na ng Pilipinas at mundo napadpad si “KMJS” host Jessica Soho. Pero kanya pa ring binabalik-balikan ang probinsyang kanyang kinalakhan. 

At sa pagpasok ng tag-araw, hahanapin ni Jessica ang kauna-unahang kutsera sa Vigan para turuan siyang magkalesa sa paglilibot sa makasaysayang bayan. 

Haharapin din ni Jessica ang kanyang fear of heights sa adventure park sa kanyang hometown sa La Union. Sama-sama tayo ngayong summer sa The Great Ilocos Adventures!

Sa dami ng ating mga pinagdaanan, deserve natin ang bakasyon engrande sa Palawan. Gagalugarin natin ang Coron para mahanap ang viral ditong houseboat at tree house.

Susuungin din ng “KMJS” malalaking alon marating lang ang misteryosong lawa na korteng… puso? Sisisirin naman ng mga Tausug ang kailalim-ilaliman upang maipakita ang yaman ng kanilang karagatan – ang pamosong South Sea Pearls.

Buwis-buhay mang akyatin ang summit ng Mt. Masaraga sa Bicol, worth it naman daw. Sa tuktok kasi nito masisilayan ang makapigil-hiningang perfect cone ng bulkang Mayon, na sa ganda mapapasabi ka, Magayon, Mayon.

At matapos salantahin ng bagyong Odette ang mga Cebuano, nasaan na nga ba ang kanilang mga AMIGO o ang mga butanding? Sa mga gentle giant na ito, utang daw nila na napagtapos ang kanilang mga anak.

Read more...