Bagitong kongresista na 1,2, 3

ISANG bagitong kongresista pala ang nabinyagan ng mga manloloko sa Kamara.
Nakatanggap ng tawag sa cellphone itong si congressman mula sa isang lalaki at nagpakilalang mataas na opisyal sa Malacanang na palaging nakukuhanan ng kamera.

Sabi ng lalaki kay congressman, mayroong available na P25 milyong halaga ng pork barrel na maaaring mapunta sa kanyang distrito.

Ang kalahati kasi ng pork barrel para ngayong 2013 ay hindi pa nare-release, at malamang ito ang naisip ni Cong. na ibibigay sa kanya.

Para mapasa-distrito niya ang pondo, humingi itong nagpakilalang Palace official ng P25,000.

Nang maibigay ni Cong. ang pera ay hindi na niya makontak ang numerong tumawag sa kanya.

Dito pa lang naisip ni Cong. na ikumpara ang cellphone number nang tumawag sa kanya sa numero ng Palace official na meron ang kanyang mga kapwa kongresista.

Ayan, nagka-alaman na. Naloko ang ating tampok na kongresista.
Itong si congressman ay katukayo ng isang cartoon character na mahilig sa burger at sumikat noong 80s.

Ano ba itong naririnig natin na isang babaeng negosyante na malakas daw sa mga judge at justices?

Marami raw pera itong negosyante na ito na siyang sumasagot sa gastos sa birthday party ng mga judges at justices.

Nagbibigay din daw ito ng baon sa mga judge at justices kapag umaalis ang mga ito ng bansa.

Sana lang wala siyang inilalakad na kaso sa mga ito. Hmmm…kilala nyo kaya siya?

Ngayon lang may senador na sinampahan ng plunder.

Paniwala ng mga taga-oposisyon, ginigiba sila ng administrasyon para sa 2016 presidential elections.

Maaaring totoo ito, ganito talaga sa pulitika, naggigibaan. Ang mga magkakampi ay nagkaka-away at ang mga magkaka-away ay nagsasanib puwersa.

Maging pulitika man ang motibo sa likod ng pagsisiwalat ng pork barrel scam o hindi, kailangan pa ring magpaliwanag ng mga sangkot.

Hindi maaaring ikatwiran na lang palagi ang pulitika kaya mayroong inuusig.

Ang kailangan ay patunayan na hindi totoo ang alegasyon. Kailangan ay patunayan na hindi totoo na ginamit nila ang kanilang puwesto para magbulsa ng pondo.

Mukhang merong mga hindi kumbinsido sa isinampang reklamo ng DOH-NBI sa Ombudsman kaugnay ng pork barrel scam.

Asan daw yung mga incumbent congressmen na sangkot sa anomalya na kaanib ng administrasyon? Dapat kasuhan din ang mga yan.

Editor: May komento o reaksyon ba kayo sa artikulong ito? I-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.

Read more...