Ina Alegre, Neal Buboy Tan, James Blanco at Michelle Vito
POLA, Oriental Mindoro — Talagang dumayo pa kami sa napakagandang probinsyang ito para mapanood ang bagong inspirational movie ni Direk Neal Buboy Tan na “40 Days”.
Ito’y sa imbitasyon na rin ng bidang aktres sa pelikula na si Pola Mayor Ina Alegre. Kasama rin dito sina James Blanco, Michelle Vito at Cataleya Surio.
In fairness, hindi kami nagsisi sa pagpunta rito kahit na medyo may kalayuan dahil bukod sa napanood namin ang “40 Days” na mula sa ComGuild Productions, ay nakalibot din kami sa Pola na paborito na ngayong location ng mga direktor at producer ng Pinoy movies.
Sa ginanap na special screening at mediacon ng “40 Days” sa isang gymnasium sa Pola, ay natanong si Mayor Ina kung anu-anong challenge ang naranasan niya habang ginagawa ang movie na tumatalakay sa kuwento ng isang inang naglakad ng 40 araw para lang makauwi sa Mindoro mula sa Maynila sa gitna ng pandemya.
Ayon sa aktres at public official, nahirapan siya sa muling pag-arte sa harap ng kamera, “Sobrang hirap dahil sa tagal na hindi ako gumawa ng pelikula medyo nahirapan ako sa pag-arte pero nandyan naman si James Blanco na umalalay sa akin at nag-coach,” pahayag ni Ina.
Medyo nakaramdam din daw siya ng pressure habang ginagawa ang movie, “Siyempre naiisip natin kung ano ba magiging outcome ng movie at magugustuhan ba ni direk?
“Siyempre si direk ang iniisip ko ‘yung ano bang qualities ang magugustuhan niya? Tama ba ang acting ko? Nandito pa ba ako sa showbiz? Paano ko dadalhin ang mga manonood doon sa karakter na mayroon ako,” sabi pa ng aktres na muling tumatakbo sa pagka-mayor sa Pola, Mindoro sa ikalawang pagkakataon.
In fairness, talagang palakpakan ang audience pagkatapos ipalabas ang pelikula. Sabi nga ni direk Neal siguradong mapapagod din ang manonood sa pelikula dahil sa ginawang paglalakad ni Ina sa loob ng 40 days pero siguradong maraming makukuhang aral sa kuwento.
Sabi nga ni Mayora Ina, “‘Yung pagod totoo kahit hindi naman talaga 40 days ako naglakad pero napagod ako dahil magkasabay na trabaho sa pagiging punong bayan iyong paggawa ng pelikula.
“Kasabay din ang negosyo, sabay-sabay siya. Pagod ako sa acting pinapahirapan kasi ako ni direk Neal. Ha-hahaha! Tingin ko kasi na perfect na para sa akin pero pinauulit pa niya, silang dalawa ni James, para sa kung ano pa ang pwede kong gawin sa eksena,” aniya pa.
“Nasisiyahan ako sa outcome ng movie sa paulit-ulit nilang sinasabi na sige pa, kulang pa, gawin mo pa ito. Natutuwa na nai-guide nila ako nang husto. Kaya James maraming salamat,” pahayag pa ng alkalde.
Maraming naiyak sa kuwento ng “40 Days” kabilang na si Mayor Ina, kung saan ipinakita ang hirap at sakripisyong pinagdaanan ng kanyang karakter sa kagustuhang makauwi na sa kanyang pamilya sa gitna ng lockdown dulot ng COVID-19 pandemic.
Samantala, posibleng maipalabas ang “40 Days” sa Netflix veey soon sabi ni Ina, “Napakaganda ng movie kaya iniisip pa natin kung saan talaga ipalalabas. At habang pinapanood ko naaantig pa rin ang puso ko kahit ako pa rin ang nandoon.
“Hindi pa sure kung maipalalabas commercially since may pandemic pa. May usapan kami na gusto naming ipalabas abroad pero uunahin muna natin ang mga special screenings sa Pilipinas at saka natin ibebenta sa Netflix then ibenta abroad,” sey ni Mayora.
Nagpasalamat din si Ina sa lahat ng dumalo sa special screening ng kanilang pelikula (na first time raw nangyari sa history ng Pola), lalo na sa ilang miyembro ng entertainment press.
Bukod sa cast at iba pang bumubuo ng “40 Days”, sumuporta rin sa event ang vice mayor ng Pola, mga Board Members, iba pang mayor sa Mindoro at ang tumatakbong Vice Governor ng Mindoro na si Ejay Falcon pati na ang talent manager at vlogger na si Ogie Diaz na isa sa mga malalapit na kaibigan ni Mayor Ina.
https://bandera.inquirer.net/306735/may-ari-ng-rest-house-sa-pola-mindoro-na-wow-mali-habang-nagsu-shooting-si-xian-lim
https://bandera.inquirer.net/296599/migs-villasis-lumaki-sa-tropa-ng-buble-gang-kimson-tan-gustong-maging-action-star
https://bandera.inquirer.net/295649/cassy-umaming-dream-partner-si-alden-excited-na-sa-pagiging-bagong-baby-ni-rhea-tan