Dalawang buwan pa lamang tayo sa 2022, pero sobrang laki na ang itinaas ng presyo ng gasolina, diesel at gaas.
Sa ngayon, ang gasolina ay malapit na sa P80/liter at halos P9/liter ang panibagong pagtaas noong Enero. Ang diesel din ay halos P60/liter, nadagdagan ng P10.85/liter.
Inaasahang tataas pa ito , dahil ang Dubai crude oil sa Singapore na pinagbabasehan natin ng mga presyo, ay pumapalo sa $91.84/per barrel mula Pebrero 3 at inaasahang lalo pang tataas dahil sa mababang production ng OPEC at ng digmaan ng Russia at Ukraine.
Ayon sa TRAIN LAW, itinakda ng gobyerno sa Dubai Crude ang $80/barrel kung saan otomatikong sususpindihin ang “excise tax” ng gobyerno na P10/liter sa diesel at P6/liter sa gasolina. Pero may matinding “colatilla”, kailangan manatiling lampas ito sa $80/barrel sa loob ng TATLONG BUWAN. Kailangang magtiis pa tayo ng mataas na presyo ng gasolina at diesel sa loob ng TATLONG BUWAN, bago nila alisin ang “tongpats”. Isipin niyo, gumapang ang buhay natin sa COVID-19, marami na ang naghirap, pero, itong gobyerno maghihintay pa ng tatlong buwan? Wala daw silang magagawa dahil iyan ang nasa batas, ano ba iyan? Hindi ba’t isang utos lang ni PRRD, maaring mabago ang batas na iyan? Hindi ba niya gustong baguhin?
Sa totoo lang, hindi lang “excise tax” ang tongpats ng gobyerno sa diesel at gasolina, nandyan din ang 12 percent value added tax. Kayat halos P17 hanggang P19 ang napupunta sa gobyerno sa bawat litrong ikarga natin.
Ito ay karkulasyon lamang, dahil ang presyuhan sa gasolina at diesel ay hindi katulad ng electric bill at water bill na detalyado kung kanino napupunta ang bawat sentimo natin. Ito ang “unbundling” ng presyo ng kilowatt hour sa kuryente o cubic meter sa tubig. Sa mga gasolinahan, walang detalye kung sino ang naghahati-hati sa bayad natin kahit linggu-linggong nagbabago ang presyo. Ang alam ko, ang mga “oil companies” ay nakakuha ng TRO sa korte para pigilan ang “unbundling”, pero tila hindi pumapalag ang Dept of Energy. Kung bakit, itong si Sec.Alfonso Cusi ang dapat magpaliwanag.
Kaya ang tanong natin, sino ang magpoprotekta ngayon sa taumbayan sa sitwasyong hindi mapigilan ang pagtaas ng presyo ng krudo? Nakaabang na ang mga ganid na negosyante na magmamaniobra sa suplay, sabay tongpats din sa presyo ng kanilang paninda, at serbisyo.
Nitong Disyembre lamang, sinabi ng Philippine Statistics Authority (PSA) na 3.9 milyong Kababayan natin ang napabilang na sa 22.26M Pilipino na nasa ilalim nang “poverty line”.
Hindi ako naniniwalang walang pera ang gobyerno. Sobra-sobra ang ipinasok na pera ng ‘TRAIN LAW” noong 2018, 2019 at 2020, hindi ba’t angkop lang na mapakapagpahinga naman ang hilahod nang taumbayan?
Naalala ko tuloy ang desisyon ng Korte Suprema noong 2019 sa kasong Maynilad, Manila Water vs. DENR, ” Filipino consumers have become such persons of disability deserving protection from the State, as their welfare are increasingly downplayed, endangered and overwhelmed by the excesses of private business as well as that of the State”.
Ibig sabihin, tayong mga consumers, na umaasa palagi sa proteksyon ng gobyerno ay NILUMPO na pala at patuloy na binabalewala, nilalagay sa panganib at nilulunod ng pagsasamantala ng mga pribadong negosyante at pagmamalabis naman ng mismong Estado.
Isipin niyo pati gobyerno bumibiktima rin sa taumbayan, sabi ng Korte Suprema, kakuntsaba ang mga pribadong negosyante.
NAKAKAHIYA kayo!