Sneakers, basketball shoes, walking shoes, rubber shoes, gym shoes, cleat….at kung ano man ang tawag sa kanila.
Basta ang Lolo ko ang tawag sa lahat nang iyan ay sapatos na de goma.
Ngayong nalalapit na ang halalan at nagsimula na nga ang kampanya para sa national positions ay napansin ko ang paggamit ng mga pulitiko ng mga sneakers.
Tila ba may battle of the brands na nagaganap sa TV guesting o maging sa mga sorties ng mga pulitiko lalo na sa mga lalawigan.
Dahil panahon ng kampanya at asahan ang mahabang lakaran sa gitna ng mainit na sikat ng araw ay praktikal lang na mag suot ng “rubber shoes”.
Si Manila Mayor Isko Moreno ay laging suot ang kanyang Adidas classic na “Superstar” na kulay puti.
Si Sen. Ping Lacson naman ay Jordan 1 UNC Low na kumbinasyon ng blue and black colorway ang pangharabas sa kampanya.
Samantalang classic na Converse Chuck Taylor Low na kulay itim naman ang gamit ni Sen. Kiko Pangilonan.
Maging ang ibang mga kandidato ay sneakers o de gomang sapatos tulad ng tawag doon ng aking Lolo ang kanilang gamit sa political sorties.
Ano nga ba ang simbolismo nito bukod sa kumportableng panlakad?
Ang paggamit ng sneakers ay nagpapakita na simple at laging on the go (kahit na mamahalin ang brand) ang isang tao.
Tila nangangahulugan rin ito na down to earth o madaling pakisamahan ang may suot nito kumpara sa mga laging gumagamit ng mga mamahaling leather shoes.
Youthfullness o pagiging matikas ang isa rin sa mga mai-uugnay sa mga nagsusuot ng rubber shoes.
Naaalala ko pa ang kwento ng isang kaibigang PR specialist na mahalaga ang uri ng kasuotan ng isang kandidato sa panahon ng kampanya.
Naisasalarawan kasi nito ang ilang mensahe na hindi naman kadalasang nasasabi ng isang kandidato.
Reflection rin ito ng pamamahala na gusto niya o nang pagkatao na gusto niyang ipakita sa publiko.
Sa kabilang banda ay huwag naman tayong masyadong tumingin sa outfit ng mga kandidato at mas maganda pa rin na aralin natin ang kanilang mga plataporma at pagkatao.
Tandaan ninyo na ang bola ay gawa rin sa goma.