Benjamin Magalong at Edu Manzano
INATAKE ng matinding takot ang veteran actor at TV host na si Edu Manzano nang “mawala” ang hiniram na paraphernalia sa military uniform ni dating Philippine National Police (PNP) Deputy Chief of Operations Major General Benjamin Magalong sa “Mamasapano, Now It Can Be Told.”
Siya ang gumaganap sa karakter ng heneral sa nasabing pelikula na tatalakay sa tunay na nangyari sa 44 miyembro ng Special Action Force ng PNP na itinuturing na mga bayani matapos magbuwis ng buhay noong Jan. 25, 2015 sa Mamasapano, Maguindanao.
Matatandaang si Magalong ang police general na namuno sa PNP Board of Inquiry na nagsagawa ng imbestigasyon sa kaso ng Mamasapano.
Matapos mag-retire sa serbisyo noong December, 2016, naging mayor siya ng Baguio City noong 2019 at namumuno pa rin doon hanggang ngayon.
Sa isang panayam, naikuwento ni Edu ang naging preparasyon niya sa pagganap na heneral. Aniya, talagang isinuot niya ang uniform paraphernalia ni Magalong.
“I wanted it to be as authentic as possible. Kilala ko si Mayor Magalong. Grabe yung fit na fit yung clothes niya talaga.
“He’s the epitome of an officer and a gentleman. Wala kang makikitang tiyan-tiyan diyan. So, nagpagawa ako ng sarili kong damit.
“Ang gusto ko lang, yung mga bars, medals, and ribbons. And that is something that you accumulate over the years from gallantry in action to medal of valors.
“So lahat ‘yan, natutunan ko ‘yan kay Eddie Garcia (RIP), e. Napakaimportante sa isang heneral yung kanyang mga isinusuot na bars, ribbons, and stars,” pahayag ng aktor.
“Ipinahiram sa akin lahat yun ni General Magalong, lahat. So importante, kapag hindi kami nag-shooting, parang mas mahalaga pa sa akin yun.
“Natakot ako na what if one day, may mawala doon, and that has years and years of actual exploits and experiences while in the military,” sey pa ng dyowa ni Cherry Pie Picache.
Pero nang magre-resume na ang kanilang shooting ay hindi na niya mahanap ang hiniram sa heneral, “And to be honest, one day, hindi ko mahanap nu’ng babalik kami sa shooting. Takot na takot ako.
“Hindi ko mahanap kasi nasa gitna ako ng lipat-bahay so medyo nawala. Takot na takot ako. Hindi ko alam ang gagawin ko.
“Hindi ako takot kasi makakabili ako ng ribbons, walang problema. Pero after the shooting, kailangan kong isoli kay General Magalong. Baka it will be the last time I ever get to visit Baguio,” birong pahayag pa ng aktor.
“But God was on my side. Nahanap ko yung pinaglagyan ko, yung maleta kung saan ko itinago,” sey pa ni Edu.
Ang “Mamasapano” ay mula sa Borracho Film Productions na pag-aari ni Atty. Ferdinand Topacio, sa direksyon ni Lawrence Fajardo.
https://bandera.inquirer.net/291237/fdcp-chairperson-liza-dino-naglabas-ng-statement-sa-isyu-nina-baguio-mayor-benjamin-magalong-at-feelmaking-productions
https://bandera.inquirer.net/306141/aljur-tumaas-pa-ang-respeto-sa-pulis-sundalo-dahil-sa-mamasapano-nahirapan-ako-para-sa-kanila
https://bandera.inquirer.net/291227/arjo-at-feelmaking-productions-walang-nilabag-na-health-protocol-puwede-nang-bumalik-ng-baguio-para-sa-pelikula