Pia Wurtzbach sinigurong walang dapat pagselosan ang dyowa sa tambalan nila ni Piolo Pascual

Pia Wurtzbach, Jeremy Jauncey at Piolo Pascual

SUMUSUMPA si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach na walang dapat ipagselos ang dyowa niyang foreigner sa pagtatambal nila ni Piolo Pascual sa bagong sitcom ng ABS-CBN.

Makalipas ang halos 10 taon, muli ngang mapapanood si Pia sa isang TV comedy series na “My Papa Pi” kasama si Piolo at ang komedyanteng si Pepe Herrera.

Inamin ng beauty queen-actress na super #shookt talaga siya nang matanggap ang offer ng Kapamilya network pero hindi na raw siya nag-inarte pa at tinanggap agad ang “My Papa Pi”. 

“Nandiyan na ‘yung project, ‘yung araw na sinasabi sa akin na merong inquiry para makasama ako sa sitcom, nag-decide na rin ako sa araw na ‘yun na gagawin ko siya,” chika ni Pia sa online presscon ng nasabing show.

“Kasi sumakto rin na may time ako. I was able to move some stuff around to make time for the shoot. Nandito rin naman ako sa Pilipinas,” paliwanag pa ng dalaga na unang nakatrabaho si Piolo noong 2005 sa sitcom din ng ABS-CBN na “Bora.” 

“Kailan ba mangyayari ito na matatawagan ka tapos mapipili ka to work with them in a sitcom. Ang perfect pa nu’ng project sa akin personally kasi malalabas ko ‘yung kulit ko tapos hindi rin ako mape-pressure sa iyakan. It’s a great way to comeback,” lahad pa ng aktres.

Alam naman daw ng boyfriend niyang si Jeremy Jauncey ang tungkol sa bago niyang acting project at naikuwento rin niya rito si Piolo.

“Hindi ako nagpaalam, ipinaalam ko sa kanya na gagawin ko. Kilala na niya si Papa P. Siyempre ikinukuwento ko sa kanya ‘yung pagso-showbiz ko before, sino mga nakakatrabaho ko,” aniya pa.

At sa tanong kung may chance ba na magselos si Jeremy kay Piolo, “Feeling ko kay Pepe siya mate-threaten talaga kasi napaka-sharp ni Pepe. Ha-hahahaha!”

Pero seryosong paliwanag ni Pia, wala naman daw dapat ipagselos ang kanyang dyowa dahil naiintindihan nito ang trabaho niya bilang artista.

“I think kasi mayroong good and open communication lalo na sa akin kasi we don’t see each other all the time, in a way, long distance relationship kami. 

“But it’s important na lagi kayo nag-uusap, honest kayo. At mayroon kayong plano para meron kayong something to look forward to. We make it work,” paliwanag pa ng aktres at TV host. 


Samantala, ipinaliwanag naman ng blockbuster director na si Cathy Garcia-Molina kung bakit hindi natuloy si Angelica Panganiban sa nasabing proyekto at ang ipinalit nga sa role dapat ng aktres ay si Pia.

“Nagkaroon ng bagong project si Angelica. Kaya very thankful naman kami kay Queen P na pinagbigyan na kami sa schedule niya,” sabi ni Direk Cathy.

Makakasama rin sa “My Papa Pi” sina Joross Gamboa, Anthony Jennings, at ang dating “Pinoy Big Brother” season 10 housemate na si Madam Inutz. 

Magsisimula na ang bagong Kapamilya sitcom sa darating na March. Ito rin ang pagbabalik ni Piolo sa sitcom na unang napanood sa comedy show na “Home Sweetie Home” kasama si Toni Gonzaga.

https://bandera.inquirer.net/279969/pia-wurtzbach-nagpakabaliw-dahil-sa-lalaki-kinalimutan-ang-pamilya-at-career

https://bandera.inquirer.net/290031/bwelta-ni-ellen-sa-walkout-issue-i-know-my-rights-and-my-health-and-safety-is-1

https://bandera.inquirer.net/284910/pepito-manaloto-nina-bitoy-at-manilyn-babu-muna-sa-gma

Read more...