LETRAN nakisosyo sa liderato NCAA

Mga Laro Huwebes
(The Arena, San Juan)
4 p.m. SSC vs Lyceum
6 p.m. St. Benilde vs
San Beda
Team Standings: San Beda (10-2); Letran (10-2); Perpetual Help (10-3); San Sebastian (7-5); JRU (5-7); Emilio Aguinaldo (5-7); St. Benilde (5-7); Lyceum (4-8); Arellano (4-9); Mapua (1-11)

MULING sinaluhan ng Letran Knights ang San Beda Red Lions sa unang puwesto ng 89th NCAA men’s basketball tournament.
Ito ay matapos na tambakan ng koponan ang A rellano University, 70-59, Lunes ng gabi sa The Arena, San Juan City.

Bumalik si John Jovit Tambeling mula sa one-game suspension at nagpasabog ng 15 puntos para sa Letran. Siya rin ang nagsilbing susi sa maagang paglayo ng Knights sa naghihingalong Chiefs.

Tabla ngayon sa ibabaw ng team standings ang Knights at Red Lions sa 10-2 baraha. Ang panalo ay nagbalik din sa Knights sa winning track matapos ang 76-80 pagkatalo sa Lyceum sa huling laro.

May 5-of-7 shooting, si Tambeling, na hindi nakalaro laban sa Pirates dahil sa itinawag na unsportsmanlike foul sa laro laban sa Mapua, ay gumawa ng 10 sa unang yugto na dinomina ng Knights, 23-14.

Bagamat limang puntos na lamang ang kanyang ibinigay sa sumunod na tatlong quarters, naroroon naman sina Mark Cruz, Raymund Almazan, Rey Nambatac at Kevin Racal upang punan ang opensa ng Letran.

Ang layup ni Racal ang nagbigay ng pinakamalaking kalamangan ng Letran sa laro na 26 puntos, 51-25, habang si Almazan ang tumapos sa magarang panalo sa matinding slam dunk.

Kapwa umiskor ng 12 puntos sina Cruz at Almazan habang sina Nambatac at Racal ay nagsanib sa 18 puntos. Kailangang ipanalo ng Chiefs ang lahat ng nalalabi nilang laro para manatiling buhay para sa Final Four.

Read more...