Dawn Chang at Cristy Fermin
SA radio program ni Nanay Cristy Fermin sa Radyo5 92.3 News FM ngayong araw kasama si Romel Chika
na napapanood din sa OnePh YouTube channel ay si Atty. Ferdinand Topacio ang kanyang naging guest.
Ito’y para talakayin ang hinihinging public apology mula sa radio host at veteran entertainment columnist ng abogadong si Atty. Rafael Vicente Calinisan.
Nag-ugat ang isyu nang ipagtanggol ni ‘Nay Cristy si Toni Gonzaga sa komentong ibinahagi ni Dawn Chang sa kanyang Instagram account dahil sa pagpapakilala niya kay dating Congressman Rodante Marcoleta na kumakandidatong senador at kaanib sa team Bongbong Marcos at Sara Duterte.
Hindi nagustuhan ni Dawn ang pahayag ni ‘Nay Cristy na, “Dancer iyan na nasa ano dati, sa lunchtime show nila. Itong si Dawn Chang, kaya nagkakaroon ng mga trabaho iyan, alam na alam sa ABS… Ako, Dawn Chang, gusto mong ibulgar ko kung ba’t ka nagkakaroon ng trabaho?
“E, pa-bash-bash ka pa, ikaw ang dapat i-bash, dahil wala kang mararating kung di ka nakikipaglandian sa mga boss, naku, ha. Dawn Chang, tumigil ka nga. Dawn Chang me. Charot!”
Si Atty. Calinisan ang legal counsel ng dating “PBB 737” housemate at social media influencer na si Dawn Chang at binigyan ng taning si ‘Nay Cristy hanggang Peb. 16, Miyerkules at kapag hindi nito ginawa ay sasampahan siya ng kasong criminal, civil at administrative.
Sinabihan din ang radio at online host ng, “Because of your malicious imputations, we assure you, we will send you to jail.”
Pinalagan ito ng kampo ni ‘Nay Cristy at humihingi rin ng public apology si Atty. Topacio sa abogado ni Dawn.
Ayon kay ‘Nay Cristy ay more than 30 years na siya sa industriya ng showbiz at lahat ng ibinabato sa kanya ay tinatanggap niya pagdating sa mga kasong libelo.
“Sa trabaho po namin, walang kasong kaakibat kundi libelo, mula po noon hanggang ngayon ay hindi po ako bumabawi ng anumang sinasabi ko, hindi po ako nagbibigay ng public apology sa anumang sinusulat ko dahil para po sa akin ‘yung pinaghirapan kong tatlong dekada ng kredibilidad ay hindi ko po ipananakaw.
“Pero mayroon palang pagkakataon na may maeengkuwentro kayo na isang isyu o kaso na hindi pa man kami naghaharap sa piskalya hinusgahan na po agad ang aking pagkatao.
“Tinawag po akong sinungaling, duwag, nakakahiya, bastos, at kung anu-ano pa pong mga salita laban sa akin. Gusto ko pong hingin ang masasabi ng isang magiting na abogado at para malaman lahat ang terminong legal at siya rin po ang aking abogado sa isasampa kuno ng isang dancer,” sabi ng radio at TV host.
Ayon kay Atty. Topacio ay natanggap na ng abogado ni Dawn Chang na si Atty. Calinisan ang demand letter nila na inilabas din sa social media at pahayagan nitong Sabado ng gabi.
Tanong ng manunulat sa abogado niya, “Attorney, puwede palang mangyari na demand letter palang hinusgahan na kaagad ang pagkatao ko.”
“Ako po ay tatlumpong taon nang abogado at nagturo ako ng legal ethics sa New Era University at Pamantasang Lungsod ng Maynila. Iba po ‘yung away ng mga abogado at ng kliyente.
“Ang abogado po hindi namemersonal (kasi) sila ay abogado. At ang abogado po meron po yang code of professional responsibility ‘yan po ang gumagabay sa kanila sa kanilang pakikitungo sa mga kalaban ng kanilang kliyente, sa lipunan, sa hukuman at sa kapwa abogado.
“Iba po ang pamantayan ng pag-aasal ng isang abogado. Dahil ikaw ay officer of the court, ikaw ay kumuha ng bar (exam) at nakapasa dalawa ang degrees mo kasi hindi ka naman magiging abogado kung hindi ka graduate ng isang 4- year course before you took up law.
“Dapat ang pakikitungo mo sa kahit doon sa kalaban ng kliyente ay magalang at maayos hindi palapastangan na dapat tandaan ang nag-aaway ay ‘yung kliyente ninyo at ‘yung kabilang panig. Hindi ikaw ang kalaban ng kalaban ng kliyente mo at hindi kayo magkalaban nu’ng kabilang abogado,” sabi ni Atty. Topacio.
Banggit pa ni Atty. Topacio, kung maaari ay pagbatiin ang magkabilang panig at hindi ‘yung palalalain ang away. Marami raw siyang naging kasong hinawakan na naayos outside court.
Katwiran naman ni Nanay Cristy, sa lahat ng ayaw niya ay tinatakot siya tulad ng pahayag ng abogado ni Dawn Chang na kapag hindi nito napatunayan ang mga binitiwan nitong salita ay ipapakulong siya, “We assure you, we will send you to jail.”
“Attorney, hindi na po ba ito dadaan ng piskalya, ng lower court, ng CA (Court of Appeals) at Supreme Court?” tanong ni ‘Nay Cristy kay Atty. Topacio.
“Yun nga po ang lagay ko, ang mga abogado po ay may responsibilidad kami na huwag sisirain ang paninindigan, ang tiwala ng publiko sa ating hukuman, sa ating piskalya, at sa ating mga mahistrado.
“Kung ganyan ang sasabihin mo parang ipinahihiwatig mo na kontrolado mo ang sistema, kaya nga po kinol-out ko ‘yung abogado ni Ms. Chang kasi parang siguradong-sigurado ka na mako-convict si Nanay Cristy.
“Kung susuysuyin ‘yung mga desisyon ng katas-taasang hukuman tungkol sa libelo at kung ikaw ay public figure na katulad ni Dawn Chang na hindi ko siya kilala pero lumalabas pala siya sa isanbg palatuntunan bilang isang mananayaw.
“Ang batas po natin ang sinasabi ‘yung malice o malisya ay hindi presumed. You have to prove malice. Hindi katulad ng kapag ang inilibelo mo ay isang pribadong tao ay malice is already presumed.
“And for public personality, malice is not presumed, ‘yung nagre-reklamo ang may burden of proof to show na ikaw ay may malice at ‘yun pong essence ng libelo ay malice. Kung walang malice, e, mali siya!” paliwanag mabuti ni Atty. Topacio.
Katwiran nga rin ni Nanay Cristy ay hindi niya kilala ang ex-PBB housemate at social media influencer kaya nasaan daw ang malisya roon? At sa tatlong dekada niya bilang manunulat ay ni minsan ay hindi pa niya nasulat si Dawn Chang.
At dito sinabi ng legal counsel ng radio-online host na hindi magbibigay ng public apology at hindi rin nito babawiin ang sinabi niya.
“This is a fair commentary dahil ikaw (Dawn) ay isang public figure at ikaw naman kasi ang nauna. Alam n’yo may ugali ‘yung ibang mamuna kapag sila naman ang pinupuna hindi nila ma-take. Hindi po dapat ganu’n.
“Ang public commentary po parang boksing ‘yan hindi ka puwedeng tumuntong sa ring na hindi ka nasusuntok, ‘wag tayong pikon, di ba?” aniya.
Ang tanong ni Nanay Cristy ay kung ano ang gagawin ngayon ni Atty. Topacio tungkol sa isyu nila kay Dawn Chang.
“Well, sila po ay binigyan din natin ng sarili nating deadline. Ginaya lang po natin ‘yung sinabi nila na hatinggabi ng ika-16 ng Pebrero.
“At kung hindi po siya magpapaumanhin ay ikinalulungkot po natin na kailangan ko pong gawin ang dapat ko pong gawin at kailangan niyang panagutan ang sinabi niya na kayo ay duwag, sinungaling at marumi. Nagtataka nga po ako kasi sinabi niya (Atty. Calinisan) na-offend siya. Kaano-ano niya kaya si Dawn Chang at sinabi niya na siya ay na-offend.
“Para sa akin po ay matalinghaga po ito kasi. Kasi kaming mga abogado kapag may lumapit sa amin at medyo matigas kami ay magalang hindi po naming pinepersonal ‘yung mga bagay na sinabi sa amin ng kliyente,” paliwanag ni Atty. Ferdinand Topacio.
Bukas ang BANDERA sa panig naman nina Atty. Calinisan at Dawn Chang.
https://bandera.inquirer.net/305484/cristy-fermin-pumalag-sa-kay-dawn-chang-humingi-rin-ng-public-apology
https://bandera.inquirer.net/289266/sey-mo-justin-cuyugan-sa-hugot-ni-dawn-chang-maalaga-mapagmahal-hindi-pabigat-at-may-goal-sa-buhay
https://bandera.inquirer.net/305352/dawn-chang-nainsulto-sa-ginawa-ni-toni-gonzaga-alam-kong-magtatampo-si-kuya