Piolo keribels lang maging Papa P ng bayan: Parang awkward, pero OK lang kesa tawagin kang tito

Pia Wurtzbach, Pepe Herrera at Piolo Pascual

NAG-UUMAPAW na saya at kilig ang ihahain ni Piolo Pascual para sa madlang pipol sa kanyang “sweetcom”na “My Papa Pi” na mapapanood na ngayong Marso 5 sa Kapamilya Channel at iba pang ABS-CBN platforms.

Makakasama ng nag-iisang Ultimate Heartthrob sina Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach at ang hit comedian at versatile actor na si Pepe Herrera sa bagong palabas na ito mula sa Star Creatives, sa direksyon ni Cathy Garcia-Molina.

Sa nakaraang virtual mediacon ng nasabing comedy show, natanong si Piolo kung ano ang reaksyon niya na halos lahat ng tao ay Papa Pi na ang tawag sa kanya. 

“At first nakakatawa, ‘di ba, parang awkward na pati mga staff ‘yun ang tawag sa akin pero kesa sa tawagin kang tito, mas okay na ‘yung Papa P.

“It’s really overwhelming. Nakakatuwa lang kasi it’s a term of endearment,” sey pa ng binatang aktor.

Bukod nga kay Pepe Herrera na gaganap na kakambal ni Piolo sa show, magiging leading lady naman niya si Pia na unang pagkakataong mapapasabak sa comedy.

Sey ni Pia na agad siyang nag-yes nang i-offer sa kanya ang bagong Kapamilya sweetcom, “I’ll have the opportunity to work with Direk Cathy again and work with Papa P and Papa Pe (Pepe). Tapos malalabas ko ‘yung kulit ko.”

Ito rin ang pagbabalik sa pag-acting ni Pia na bumida sa Star Cinema film na “My Perfect You” at naging host ng “World of Dance Philippines” at “Pia’s Postcards.” 

“Ang perfect ng project para sa akin kasi malalabas ko ‘yung kulit ko…So parang it’s a great way to come back. Sobrang grateful ko po na ako yung napili,” chika ni Pia.

Iikot ang kwento ng “My Papa Pi” sa buhay nina Pipoy (Piolo), isang single dad na nais mabigyan ng magandang kinabukasan ang anak, ang kanyang kambal na si  Popoy (Pepe), na may-ari ng sikat na tumbungan na “One More Tumbong,” at si Tere (Pia), isang babaeng may mabuting kalooban na one great love ni Popoy pero may pagtingin naman para kay Pipoy. 

Hatid ang iba pang timpla sa kwento ang kanilang mga kasama sa Brgy. Gintong Tupa na kinabibilangan nina Joross Gamboa, Alora Sasam, Hyubs Azarcon, Katya Santos, Daisy Lopez o Madam Inutz, at  ang breakout stars na sina Anthony Jennings at Daniela Stranner mula sa pelikulang “Love at First Stream.”

Isa ang “My Papa Pi” sa mga inaabangang bagong programa ng ABS-CBN ngayong 2022 dahil ito ang pagbabalik ni Piolo sa paggawa ng serye sa ABS-CBN mula pa noong 2020.  Sweetcom kung tawagin ang kanyang bagong show na magpapangiti at magpapatibok ng puso ng mga manonood.

“It’s a nice breather. I even surprise myself dito sa show. Ang sarap having a solid cast and a director na fun. Kapag nakakapagpatawa ka o nakakapagbigay ng ligaya sa paligid mo it’s a nice feeling pabalik sa ‘yo,” sabi pa Piolo.

Kaabang-abang din ang atake rito ni Direk Cathy na kilala sa kanyang box-office films at hit teleseryes. 

Sey ni Direk Cathy kung bakit tinanggap niya ang proyekto, “Ang top of all my reasons, si Piolo. I really want to work with Piolo kasi ang huli namin “Lobo” pa, dekada na ‘yun.

“So na-miss ko na siya. Pangalawa, it is something new to me. Sitcom na naging sweetcom. Tapos na-cutean ako sa idea na kambal si Pepe at Piolo. Natuwa ako doon tapos meron pang Queen P dito.”

“Itong set na ’to extra saya. Dala na rin siguro na sweetcom siya so alam naming lahat na kami ay dapat magagaan lang, patawa lang lahat,” dagdag pa niya.

Sa “My Papa Pi,” handog nina Piolo, Pia, at Pepe, at buong cast, ang mga aral sa buhay, pag-ibig, pagkakaibigan, pagkakaisa, at second chances bukod sa kilig at saya na pangunahing sangkap sa recipe ng programa. 

https://bandera.inquirer.net/305547/pepe-herrera-kering-keri-ang-pagiging-kakambal-ni-piolo-ok-lang-naman-normal

https://bandera.inquirer.net/305565/true-ba-angelica-biglang-nagkasakit-kaya-pinalitan-ni-pia-sa-my-papa-pi-ni-piolo

https://bandera.inquirer.net/305152/piolo-angelica-madam-inutz-bibida-sa-bagong-comedy-show-na-my-papa-pi

Read more...