Sanya hindi ipinapasok sa ulo ang pagiging big star; Maxine enjoy na enjoy magkontrabida

Maxine Medina, Gabby Concepcion at Sanya Lopez

ITINUTURING na rin ngayong primetime princess ng GMA 7 ang Kapuso actress na si Sanya Lopez dahil sa sunud-sunod na tagumpay ng kanyang mga teleserye.

Isa na ngayon sa mga prime artists ng Kapuso network si Sanya at siguradong kapag nabigyan pa siya ng mga bonggang projects ay hindi imposibleng maabot din niya ang estado ngayon nina Marian Rivera, Heart Evangelista at Jennylyn Mercado.

Isa sa mga sa patunay ng makinang na bituin ni Sanya sa mundo ng telebisyon ay ang pagkakaroon ng season 2 ng hit primetime series niyang “First Yaya” na napanood las year.

Ngayong Lunes, Feb. 14, mapapanood na ang “First Lady” na magsisilbing Valentine offering ng GMA. Dito muling mapapanood ang tambalan nina Sanya Gabby Concepcion bilang Melody at President Glen Acosta.

Sa nakaraang online presscon ng “First Lady” natanong ang Kapuso star kung ano ang masasabi niya na kino-consider na siya ngayong big star sa GMA?

“Honestly, hindi pa pumapasok sa isip ko ‘yung sinasabi nilang big star ako at ayokong ilagay ‘yun sa ulo ko,” ani Sanya na mula sa pagiging yaya ay First Lady na ngayon ng Pilipinas.

Dagdag pang pahayag ng dalaga, “Ako pa rin ang dating Sanya, wala namang nagbabago sa akin. Pero thankful talaga ako na nagkaroon ng season 2 ang show namin kasi hindi naman lahat ng shows nabibigyan ng ganitong pagkakataon.”

Inamin naman ng aktres na mas mahirap daw gampanan ang pagiging First Lady kesa sa First Yaya dahil mas marami nang emotions involved at mas marami na rin siyang kontrabida sa kuwento.

“Definitely, itong ‘First Lady,’ mas mahirap talaga siya kasi they even gave me some workshops to help prepare me for my role as the First Lady. Siempre, dapat mas refined na ang kilos ko bilang unang ginang ng bansa,” sey ni Sanya.

Mas magiging exciting din ang buhay niya bilang First Lady dahil sa mga taong kukunin ng staff ni Presidente Glen para turuan ng mga tamang pagkilos, pananalita at pananamit ang First Lady. 

“Yes, bibigyan nila ako ng advisers na puro dating First Ladies para turuan ako on how to dress up, how to behave as a First Lady. 

“Pero lahat sila, may lihim na galit sa akin, kasi dati lang akong yaya tapos naging asawa ng president. They will tell me, ‘Once a yaya, always a yaya.’ Gagawin nila ang lahat para mapahiya ako. So ako naman, I will try to prove to them na nagkakamali sila,” ani Sanya.

Sa nasabi ring presscon, nasabi ng ditektor ng serye na si L.A. Madridejos na perfect timing ang pagpapalabas ng “First Lady” dahil sa nalalapit na presidential elections. 

“Tuloy ang puso ng show na magbigay ng saya at positive vibes sa panahon ng pandemya. Hindi puedeng ang Season 2 is just like Season 1, so this is much bigger. 

“Timely nga ito kasi panahon ng election so we will give insights tungkol sa mundo ng politicians and what is happening behind the scenes,” sabi pa ni Direk.


* * *

Samantala, super happy and grateful naman ang beauty queen-turned-actress na si Maxine Medina dahil nakasama pa rin siya sa “First Lady.”

Kontrabida pa rin ang dalaga sa serye bilang si Lorraine Prado at aniya, walang problema kung nalilinya na siya sa mga kontrabida roles.

“Sobrang mas creative po at feeling ko magwu-work din for me, kasi ang sarap niyang laruin, ang sarap niyang gawin.

“First time ko, actually, na magkontrabida, especially dito sa First Yaya. Sobrang na-enjoy ko naman po siya.

“Hindi lang naman ho here, pero sa ibang series o sa ibang projects, game po ako if ever po pag may offer,” chika ni Maxine.

Read more...